MAYNILA. Ibinunyag ng Department of Education (DepEd) ang umiiral na “pay-for-position” scheme o pagbili ng puwesto sa loob ng ahensya at muling iginiit na lahat ng appointment at promosyon ay dapat nakabatay sa merito at kakayahan.
“Ang mga posisyon sa DepEd ay pinaghihirapan, at hindi binibili,” pahayag ng ahensya.
Ayon sa DepEd, ang pagbibigay o pagtanggap ng pera kapalit ng trabaho o promosyon ay isang seryosong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) na may kaakibat na parusang administratibo, sibil, at kriminal.
Hinikayat ng kagawaran ang publiko, lalo na ang mga nabiktima o may nalalamang insidente ng naturang gawain, na agad itong i-report sa DepEd, National Bureau of Investigation (NBI), o Philippine National Police (PNP). Tiniyak ng ahensya na mananatiling kumpidensyal ang mga ulat at protektado ang mga maglalakas-loob na magsumbong.
“Hindi ko pahihintulutan ang anumang uri ng katiwalian sa DepEd,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara. “Dapat tayo ay may kakayahan, integridad, at tunay na malasakit sa Kabataang Pilipino.”
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





