Depende sa pagkakaroon ng pondo ang additional honoraria ng mga guro

0
240

Depende sa pagkakaroon ng pondo ang pagbibigay ng karagdagang honoraria para sa mga guro na magsilbing bayad sa dagdag na oras sa pagtugon sa mga teknikal na aberya at iba pang isyu sa botohan noong Mayo 9, ayon sa Commission on Elections (Comelec) noong Linggo.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ang pag-apruba ng Comelec commissioners en banc hinggil sa nabanggit na karagdagang honorarium.

“First condition is the availability of funds…Second, we have to make sure that any grant of the Commission for additional honoraria will be compliant with DBM [Department of Budget and Management] rules, accounting rules, auditing rules, and COA [Commission on Audit] rules. It would be unjust if we could not at the very least give additional honoraria to compensate for their additional pagod at ‘yung delay na inabot po nila (exhaustion and the delays they experienced),” ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa isang press briefing kahapon.

Sinabi ni Laudiangco na ang karagdagang honoraria ay hindi bababa sa PHP2,000.

Nauna dito, iminungkahi ng Department of Education (DepEd) sa Comelec ang karagdagang PHP3,000 na sahod para sa mga gurong nagsilbi ng mas maraming oras sa araw ng halalan.

Sinabi rin ng DepEd na hinihiling nila ang pagpapalabas ng election duty honoraria, bukod sa iba pang allowance, sa o bago ang Mayo 24.

Ang halalan noong Mayo 9 ay nakaranas ng hindi paggana ng halos 1,900 vote-counting machines (VCMs) sa buong bansa, na nag-udyok sa Comelec na magpasya na itabi na ang mga ito para sa mga susunod na botohan.

Ilang botante pa rin ang nakapila upang bumoto pasado alas-7 ng gabi, sa oras na ang mga polling precinct ay dapat ng magsara.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.