DFA: 13 Pilipino mula sa Ukraine, dumating kagabi

0
373

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 13 Pinoy mula sa Ukraine ang umalis sa Warsaw Chopin Airport at dumating sa Maynila kagabi, Marso 1.

“Mula po ngayon ay en route na to the Philippines. Kahapon ay naihatid natin sila sa airport. They’re really looking forward to going home to their families,” ayon kay Philippine Ambassador to Poland Leah Basinang-Ruiz sa Laging Handa briefing.

Ang grupo ay bahagi ng 40 evacuees na umalis sa Kyiv patungong Lviv at tinanggap ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa hangganan ng Poland-Ukraine.

Minadali ng Embahada ng Pilipinas sa Warsaw ang kanilang mga travel documents at paglipad, gayundin ang kanilang pananatili sa isang hotel sa kabisera ng Poland.

Ang lahat ng mga gastusin sa pagpapauwi, kabilang ang mga gastos sa transportasyon mula Kyiv patungong Warsaw, pagkain, at tirahan sa Lviv at Warsaw, reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test, at pamasahe sa Manila ay sinagot din ng pondo ng DFA bilang Assistance to Nationals.

Ang nabanggit na batch maglalagay sa kabuuang 19 na mga Pilipinong papauwiin mula nang magsimula ang tensyon sa Ukraine.

Ang unang anim ay dumating sa Maynila noong Pebrero 18.

Sinabi ni Basinang-Ruiz na may mga Filipino pa mula sa Ukrainian capital ng Kyiv at iba pang bahagi ng nabanggit na bansang ang inaasahang darating sa lungsod ng Lviv kung saan itinayo ng Philippine Embassy ang kanilang pansamantalang base.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.