DFA: 156 Pilipino sa Sudan handa nang i-repatriate

0
292

Umabot na sa 156 ang bilang ng mga Pilipino sa Sudan na humihiling ng repatriation habang patuloy ang armadong labanan sa pagitan ng Sudanese military at isang paramilitary group, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.

“Ang sabi ng ating embassy, over 500 na ang nag-message sa kanila. Out of the 500 plus, 156 ang handa at any moment na umuwi na,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega isang  televison interview.

Binanggit niya na mayroon lamang humigit-kumulang 300 mga Pilipino na rehistradong residente ng Sudan.

Gayunpaman, posibleng may hanggang 700 ang Pilipino doon, na karamihan ay hindi dokumentado ngunit naninirahan doon hanggang sa kasalukuyan.

Sinabi ni De Vega na ang 156 na Pilipinong gustong umuwi ay “hindi ilegal at hindi dokumentado.”

“Meron silang passport at visa,” dagdag niya.

Kabilang sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga awtoridad ay ang kakulangan ng travel documents ng ilang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Sudan dahil ang ilan ay kailangan pang magproseso ng kanilang visa.

“Ang iba, wala silang valid passport, ang iba naman nasa corporation, nasa company, hawak ng employer kaya nga ayaw natin magpadala doon dahil hindi dapat hawak ng employer ang passport, so sabihin natin kalahati, 300, more or less 300 ang kailangan umuwi kaya nag-aagawan ngayon ang ibang bansa na kumuha ng transportation vehicles palabas ng Sudan,” ayon kay De Vega.

May ilan din umanong employer na ayaw ibalik ang passport ng mga empleyado nila.

Magsisimula ang repatriation sa mga susunod na araw habang umuupa ang DFA ng mga sasakyan para ihatid ang mas maraming Pilipino palabas ng Sudan.

Noong weekend, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi pa matiyak ng gobyerno ang ligtas na ruta para makaalis ang mga Pilipino dahil wala sa mga paliparan ang gumagana at malayo ang distansya sa pagitan ng Khartoum at Cairo kung saan matatagpuan ang embahada.

Maaaring maglakbay ang mga Pilipino sa Port Sudan kung saan may mga ferry na papunta sa Saudi Arabia o pumunta sila sa hangganan ng Egypt kung saan dadalhin sila ng isang team sa Aswan at lilipad patungong Maynila mula doon, sabi ni De Vega.

Aniya, walang naiulat na Filipino casualties sa Sudan.

Noong Abril 23, hindi bababa sa 420 katao ang namatay at higit sa 3,700 ang nasugatan dahil sa mga sagupaan na sumiklab, lalo na sa Khartoum City at Darfur Region.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.