MAYNILA. Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Tehran sa mga bansa ng Azerbaijan, Türkiye, at Turkmenistan bilang paghahanda sa posibleng land evacuation ng mga Pilipino sakaling lalo pang lumala ang tensyon sa Iran bunsod ng patuloy na airstrike ng Israel.
Ayon kay Philippine Ambassador to Iran Roberto Manalo, handang isagawa ng embahada ang repatriation kung ito’y iutos ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“Nakausap ko na ang mga ambassadors ng mga bansang iyan dito sa Iran at makikipag-negosasyon kami sa kanila,” ani Manalo sa isang panayam. “Kung sakaling kinakailangan ng evacuation over land, gagawin namin ito kapag inatas ng DFA. Definitely, naka-ready ang embahada para sa repatriation.”
Sa ngayon, wala pang naiulat na nasaktan sa hanay ng mga Pilipino sa Iran. Mula sa humigit-kumulang 700 rehistradong Pilipino sa embahada — karamihan ay may asawang Iranian — wala pa ring humihiling na makauwi.
Pinapayuhan pa rin ang mga kababayan na manatili sa kanilang mga tahanan habang nananatiling tensyonado ang sitwasyon.
“So far, safe pa naman kami dito. Of course, we are taking great precaution,” ani Manalo. “Careful kami sa aming movements dito sa Tehran, sa Iran. Maya’t maya ay may dumarating na mga attacks ng Israel. Sa ngayon, panay ang aming advice sa mga kababayan to stay put sa kanilang tinitirahan.”
Samantala, isang Pilipino sa Israel ang nasa kritikal na kondisyon matapos ang retaliatory strike ng Iran. Ayon kay Ambassador Aileen Mendiola, walo ang nasugatan, anim sa kanila ay nakalabas na ng ospital, habang 13 ang humiling ng repatriation. Kasalukuyang sarado ang airspace sa Iran at Israel.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.