DFA: Nailikas na sa Sudan ang mahigit na 300 Pinoy

0
205

Inilikas na ang mahigit na 300 Pinoy sa Sudan habang sinasamantala ang ceasefire na ikinasa ng US.

Inireport ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na sakay sa pitong bus ang mga repatriates na umalis ng Sudan na patungong Egypt.

Bukod ito sa 50 Filipino na nauna nang inilikas noong Martes.

Ayon kay De Vega, isa sa mga suliranin na nakikita nila ay ang mahabang pagproseso ng mga dokumento sa Egyptian border na inaabot ng isang araw.

Sa kabila nito, nagpadala na ang Embahada ng Pilipinas ng mangangasiwa para dito.

Samantala, naaksidente naman sina Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago at Vice Consul Bojer Capati “while in their rush to get to border by car to help incoming Filipinos cross through,” ayon sa ulat.

Sinabi ni De Vega na gumulong ng dalawang beses ang sasakyan ng dalawang diplomats, ngunit sa kabutihang-palad ay nakaligtas naman ang mga ito at papunta na sa border.

“This is the DFA’s commitment to our overseas Filipinos and we hope the public can be advised and reassured that we are doing what we can,” ayon sa kanya.

Matatandaan na nagsimula ang bakbakan  at tensyon sa Sudan noong nakaraang linggo dahil sa power struggle sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at paramilitary Rapid Support Forces (RSF).

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.