DFA: Passport application, pinaikli na

0
175

Pinaikli na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagproseso sa mga passport, mapa-regular man o express application.

Ayon kay Office of Consular Affairs Asec. Henry Bensurto Jr., simula Hulyo 24, iikli na ang panahon ng paghihintay ng mga aplikante bago ma-release ang kanilang mga passport.

Ayon sa paliwanag ni Bensurto Jr., kung regular passport ang inaplayan ay dating nare-release sa loob ng 12-14 araw, ngayon ay aabutin na lang ng hanggang 10 araw.

Sa express application naman, dating 7 araw na paghihintay ay magiging 5 araw na lang.

Nilinaw naman ng kalihim na para lamang sa mga taga-Metro Manila ang time frame na limang araw habang sa mga consular offices sa ibang parte ng Luzon, Visayas, at Mindanao ay mapabibilis din ang pagproseso subalit hindi kasing bilis tulad ng limang araw sa Metro Manila dahil kailangan ikonsidera ang pagbiyahe o shipping ng mga passport.

Bukod pa rito, pinababa rin umano ang oras ng paghihintay sa mga aplikanteng tatanggap ng services ng mga courier.

“Kung ‘yung mga aplikante naman po ay nag-avail ng services ng mga courier, normally po dati ang express [application] ay mga 12-15 days, ngayon po ay 10-12 na. At kung regular po, dati umaabot ng 20 days, ngayon po 15-17 days na,” wika niya.

Idinagdag pa ni Bensurto na sa kasalukuyan ay walang mahahabang pila sa kanilang mga opisina.

Kung dati ay inaabot ng anim hanggang pitong buwan ang pagkuha ng appointment para sa passport, ngayon ay maaari ka nang makakuha ng appointment sa loob ng 5-12 araw.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.