DICT: Hacker ng government websites mula sa China!

0
182

Napigilan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang tangkang pag-hack sa ilang website ng pamahalaan kabilang dito ang website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay DICT Undersecretary for Cybersecurity Jeff Ian Dy, napigilan nila ang pagbagsak ng website ng OWWA at natunton ang IP address ng mga attackers na nagmula sa China Unicom, o China United Network Communications Group, isang Chinese state-owned telecommunications company. Kaya’t plano nilang makipag-ugnayan dito.

Nagawa rin aniya ng DICT tuntunin ang command at control center ng mga cyber attackers na nag-o-operate mula sa loob ng China.

Kaagad namang nilinaw ni Dy na maaaring walang direktang kinalaman ang Chinese government sa cyber attack, at ang maari lamang nilang masabi ay nagmula ito sa loob ng Chinese territory.

Posible umano tiniktikan ng grupo ang email address at website ng ilang ahensya ng gobyerno matapos kunin ang impormasyon ng mga administrator nito. Target umano ng mga hacker ang mayroong “gov.ph” na domain.

Kabilang sa mga posibleng tiniktikan ang email address ng Philippine Coast Guard, DICT, DOJ, at website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ng DICT na tatlong grupo ang umatake, kabilang ang Lonelyisland, Meander, at Panda na pinaniniwalaang mga advanced threat group na nag-o-operate sa teritoryo ng China.

Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng DICT kung sino ang mga nasa likod nito at ang motibo sa pag-atake.

Tiniyak naman ng DICT na walang nakuhang mahahalagang impormasyon mula sa gobyerno dahil napigilan ang mga pag-atake.

Noong nakaraang taon, inatake rin ang ilang website ng PhilHealth, Philippine Statistics Authority, PNP, at Department of Science and Technology.

Ayon kay Sen. Grace Poe, bagamat napigilan ng DICT ang pinakahuling pagtatangka na i-hack ang isang website ng gobyerno, isa itong paalala na mas nagiging mapanhas ang mga cyber attacks. Sinabi ni Poe na dapat maging babala ito sa iba pang ahensiya ng gobyerno at paigtingin ang kanilang website firewall at sistema.

Sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat palaging magbantay sa mga cyber attackers hindi lamang mula sa China kundi mula sa iba pang bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo