DICT: Maghanda sa posibleng cyberattack sa Nobyembre 5

0
339

MAYNILA — Naglabas ng babala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa isang posibleng cyberattack na nakatakdang mangyari ngayong Miyerkules, Nobyembre 5. Ayon sa ahensya, isang anyo ng Distributed Denial of Service (DDoS) attack ang inaasahan, partikular ang tinatawag na “traffic flood,” kung saan sabay-sabay na tatawag ng serbisyo o website ang maraming device upang pabagalin o tuluyang hindi ma-access ang sistema.

Ayon sa post ng DICT Facebook noong Linggo, Nobyembre 2, nakita na nila ang posibilidad ng ganitong uri ng pag-atake at nakikipag-ugnayan na ang kanilang National Computer Emergency Response Team (NCERT) para maging nakahanda.

Nilinaw ng DICT na hindi ito data breach o pagnanakaw ng personal accounts, pera o pangunahing impormasyon, kundi ang pagsasagawa ng sobrang trapiko na maaaring makapabagal o makapagpatigil ng ilang websites at apps.

Sa pagsasagawa ng paghahanda, sinabi ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda na kasabay ang mga coordination efforts sa mga lokal na ahensya gaya ng National Telecommunications Commission (NTC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at iba pang mga partido sa ilalim ng “Oplan Cyberdome.”

Ayon sa DICT, narito ang ilang paalala kung sakaling maranasan ang epekto ng cyberattack:

  • Huwag mag-panic kung bumagal o hindi agad mag-load ang isang website o app. Maghintay lamang at subukang muli makalipas ang ilang minuto.
  • Gamitin ang opisyal na app o status page ng serbisyo upang makakuha ng tamang impormasyon.
  • Sundan lamang ang verified updates mula sa DICT at mga opisyal na provider.
  • Iwasan ang anumang ilegal na online na aktibidad na maaaring magdulot ng legal na kahihinatnan.

Pinapaalalahanan ng DICT ang publiko na manatiling kalmado, responsable, at maingat sa paggamit ng internet habang nagpapatuloy ang kanilang 24/7 monitoring sa ilalim ng Oplan Cyberdome.

Ang babala ng DICT ay bahagi ng mas malawak na pagkilos upang masiguro ang kaligtasan ng digital­space ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo