DILG: 37 hotspot areas sa Eleksyon 2025, tinukoy na

0
125

MAYNILA. Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong 37 lugar sa bansa na itinuturing na election hotspots para sa darating na Eleksyon 2025.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang panayam sa Unang Balita ng GMA Integrated News, karamihan sa mga hotspot na ito ay nasa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Meron tayong 37 hot spots — 28 nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, meron sa 3rd and 4th District ng Leyte, meron din sa Central Luzon,” ani Remulla.

Bagamat mas kaunti ang bilang ng mga hotspot kumpara sa nakaraang mga eleksyon, sinabi ni Remulla na hindi inaasahang magiging marahas ang Eleksyon 2025. “Kaunti na lang kumpara sa dati. Pero generally, we don’t expect violent elections,” dagdag pa niya.

PNP, Pinaghahandaan ang Seguridad

Noong Setyembre, inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil ang kanyang mga commander na tukuyin na ang mga lugar na maaaring maging “election areas of concern” para sa halalan sa 2025.

Bukod dito, pinag-aaralan din ng PNP kung kakailanganin ng karagdagang pwersa sa ilang lugar upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karahasang kaugnay ng eleksyon.

Sa kabila ng maagang paghahanda para sa eleksyon, naitala ang ilang insidente ng karahasan laban sa mga halal at nagnanais tumakbong lokal na opisyal. Isa sa pinakahuling kaso ay ang pamamaslang sa dating barangay chairman na si Amado Sta. Ana sa Tantangan, South Cotabato noong Nobyembre 18. Si Sta. Ana ay naghahain ng kandidatura bilang bise alkalde para sa Eleksyon 2025 nang siya ay pagbabarilin.

Pinapaalalahanan ng DILG at PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang masiguro ang maayos at payapang halalan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.