DILG: Mahigpit na parusa ang naghihintay sa mga lalabag sa patakaran ng pandemya sa pangangapanya

0
525

Mahigpit na parusa ang naghihintay sa mga political aspirants at sa kanilang mga tagasuporta na makikita na lumalabag sa mga panuntunan sa pangangampanya na itinakda sa panahon ng pandemya, ayon sa babala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon.

Sa isang briefing ng Laging Handa kahapon, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga parusa para sa mga paglabag sa kampanya ay iba iba, depende sa uri ng paglabag gaya ng nakasaad sa ilalim ng Comelec Resolution 10732 na nagpapatibay sa new normal na pagdaraos ng mga pisikal na kampanya, rally at pagpupulong batay sa Alert Level sa partikular na lugar.

“Hinihingi namin ang kooperasyon at tulong ng mga pulitiko, kanilang mga taga suporta at mga political parties na sundin ang mga alituntuning ito dahil anumang paglabag sa mga alituntunin at regulasyon na ipinapatupad ng Comelec ay isang election offense,” ayon kay Malaya.

Sinabi ni Malaya na ang resolusyon ng Comelec ay “mas mahigpit” kaysa sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ang mga lumalabag ay madi-disqualify na humawak ng pampublikong katungkulan at maaari ding madiskuwalipika na gamitin ang karapatang bumoto sa mga halalan sa hinaharap.

Ang mga taong lalabag sa minimum public health standards ay nahaharap sa pagkakakulong na hindi bababa sa isang buwan ngunit hindi hihigit sa anim na buwan o pagbabayad ng multa na hindi bababa sa PHP20,000 ngunit hindi hihigit sa PHP50,000.

“Matigas ang mga parusang nakasaad sa batas, sana ang Comelec, DILG at ang ating mga kandidato, ang kanilang mga taga suporta at mga political parties ay mag kapit-bisig para makamit ang maayos na pangangampanya,” ayon pa rin kay Malaya.

Nakasaad sa  Comelec Resolution No. 10732 na inilabas noong Nobyembre 2021, na ipinagbabawal ang contact campaigning, o pakikipag kamay, yakap, halik, arm-to-arm o anumang aksyon na may kinalaman sa pisikal na kontak ng mga kandidato, kanilang mga kasama at publiko.

Kabilang sa iba pang ipinagbabawal na gawain ang pagbabahay-bahay na pangangampanya kahit na may pahintulot ng may-ari, pagkuha ng mga selfie at pamamahagi ng mga pagkain at inumin.

Ipinalabas ni Malaya ang paalala sa mga political aspirants bago ang simula ng campaign period para sa nationally-elected positions sa Pebrero 8 at Marso 25 para sa mga lokal na kandidato.

Sinabi ni Malaya na naglabas na ng utos si Interior Secretary Eduardo Año sa local government units at Philippine National Police na ipadala ang kanilang mga team para matiyak na mahigpit na sinusunod ang poll campaign guidelines.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.