DILG sa LGUs: Maglagay ng complaint desk sa pagbibigay ng fuel subsidy

0
373

Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kahapon ang mga alkalde ng lungsod at munisipyo na maglagay ng complaint desk o hotline para tugunan ang mga alalahanin ng mga benepisyaryo ng fuel subsidy para maibsan ang pasanin ng mga public utility vehicle (PUV) drivers na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Inatasan ni Año ang lahat ng city at municipal local chief executives (LCEs) sa buong bansa na magsumite ng validated list ng qualified tricycle drivers sa DILG regional offices sa o bago sumapit ang Abril 26 bilang paghahanda sa panibagong round ng fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program na pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

“In as much as we want to assist everyone, we must abide by the set parameters kaya hinihiling namin ang pangunguna ng mga LGU (local government unit) at kooperasyon ng ating mga tricycle drivers upang mabilis na maibaba ang fuel subsidy na ito sa kanila (we ask the LGUs and the cooperation of our tricycle drivers in order to speed up the fuel subsidy for them),” ayon kay Año sa isang statement.

Sa ilalim ng Fuel Subsidy Program o Pantawid Pasada Program, na popondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act of 2022, ang fuel assistance na nagkakahalaga ng PHP6,500 ay direktang ibibigay hindi lamang sa mga apektadong jeepney driver kundi maging sa mga kwalipikadong driver ng UV express, minibus, bus, shuttle services, taxi, tricycle, at iba pang full-time na ride-hailing (transport network vehicle service o TNVS at motorcycle taxi), at delivery services sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular 2022-047, sinabi ni Año na dapat gumawa ang mga LGU ng validated list ng mga tricycle driver; mga franchisee ng tricycle; mga address; mga account sa electronic wallet; at bilang ng mga nagpapatakbo ng tricycle at iba pang detalye sa loob ng kani-kanilang hurisdiksyon.

Aniya, ang pamamahagi ng fuel subsidy ay responsibilidad ng DOTr-LTFRB at dapat ipalaganap sa pamamagitan ng e-wallet account na isinumite ng mga benepisyaryo.

Ang nasabing mga detalye, aniya, ay dapat ihanda at sertipikadong ng pinuno ng Tricycle Franchising Board at ng pinuno ng lokal na Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).

“Ito din ay kailangang certified ng city or municipal mayors and vice mayors. This is to ensure that the list we will forward to the DOTr-LTFRB is correct and legitimate,” ayon kay Año.

Dapat ding ipadala ng mga LGU ang validated list ng mga benepisyaryo sa DILG Regional Office na magsisilbing reference document sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle driver; tiyakin na ang fuel subsidy ay gagamitin para lamang sa pagbili at pagbabayad ng gasolina; at, makipag-ugnayan sa kinauukulang benepisyaryo sa kaso ng mga hindi pagkakapareho-pareho at kakulangan sa mga detalye o impormasyon.

Sinabi ni Año na ang mga LCE ay inaasahang gagawa ng listahan upang mapabilis ang proseso ng pagtulong sa mga tricycle driver “na ang kakarampot na kita ay nababawasan pa ng mga kamakailang pagtaas ng presyo ng langis.”

Dagdag pa niya, ang nasabing listahan, kapag na-validate, ay magiging batayan ng DOTr-LTFRB sa pagbibigay ng fuel subsidy.

“I urge all city and municipal LCEs to produce a validated list of qualified tricycle drivers who will receive the Pantawid Pasada Program fuel subsidy. Kailangan ito ng ating mga kababayang tricycle drivers who have been burdened by the recent unprecedented oil price hikes. Sana po ay paspasan po natin ang pag-aasikaso ng listahang ito para kahit papaano ay maibsan ang pasanin ng ating mga drayber (This is needed by our fellow tricycle drivers who have been burdened by the recent unprecedented oil price hikes. I hope we will speed up the list to somehow alleviate the burden of our drivers.),” ang pagtatapos ni Año.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo