DILG sa LGUs: Tanggalin ang pangalan, larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno

0
249

MAYNILA — Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng tanggapan nito at mga local government units (LGUs) sa buong bansa na alisin ang mga pangalan, larawan, at anumang pagkakakilanlan ng mga pampublikong opisyal sa lahat ng proyektong pinondohan ng pondo ng pamahalaan.

Ayon sa pahayag ng DILG noong Biyernes, saklaw ng direktiba ang lahat ng provincial, city, municipal, at barangay officials, pati na ang mga central, regional, at field offices ng ahensya, kabilang ang mga attached agencies.

“Kinakailangan na matiyak na walang pangalan, larawan, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang simbolong nagkakakilanlan sa isang pampublikong opisyal ang lalabas sa mga project signages, markers, tarpaulins, at iba pang katulad na materyales na pinondohan ng pera ng bayan,” pahayag ng ahensya.

Binigyang-diin ng DILG na ang mga programa ng gobyerno ay hindi dapat gamiting personal na billboard. “Ang mga ito ay pinopondohan ng buwis ng mamamayan at dapat magpakita ng tunay na public service, hindi ng political credit-grabbing,” dagdag nito.

Ang direktiba ay nakasaad sa DILG Memorandum Circular No. 2026-006 na may petsang Enero 29, 2026, at inilabas sa publiko noong Enero 30.

Batay sa memorandum, isinangguni ng DILG ang Article XI, Section 1 ng 1987 Constitution na nagsasaad na ang “public office ay isang public trust.” Tinukoy din nito ang Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Commission on Audit (COA) Circular No. 2014-004 na may petsang Enero 30, 2013, at Section 20 ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act.

“Inaatasan ang lahat ng kinauukulang opisyal at kawani na agad na ipatanggal at itama ang mga materyales na hindi sumusunod sa patakaran,” ayon sa DILG.

Dagdag pa ng ahensya, pananagutan ng mga heads of offices ang ganap at agarang pagsunod sa kautusan, kabilang ang pagpapalaganap ng direktiba sa lahat ng yunit na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo