DILG sa mga LGU:  Gumawa ng mga proactive na hakbang laban sa monkeypox

0
234

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes ang mga local government units (LGUs) na magsagawa ng mga proactive na hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng monkeypox sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.

Ang panawagan ay ibinaba matapos maiulat ng bansa ang unang kumpirmadong kaso ng monkeypox noong nakaraang linggo.

“While everyone is assured that our public health surveillance systems are able to detect and confirm monkeypox cases, all LGUs are nonetheless called to carry out measures in close coordination with the Department of Health (DOH) in stemming the spread of this new virus,” ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa isang news release.

Sinabi ni Abalos na habang mahigpit na sinusubaybayan ng mga health authorities ng bansa ang mga papasok at papalabas na manlalakbay para sa mga kaso ng monkeypox at makabubuti sa mga LGU na maging handa sa anumang mga pangyayari.

“The adage prevention is better than cure still applies today. As the primary front liners in your areas, it behooves upon our LGUs to initiate precautionary measures and spread awareness to your constituents about monkeypox and what they need to do about it,” ayon sa kanya.

Ang monkeypox ay isang zoonotic disease na dulot ng impeksyon ng monkeypox virus, na kabilang sa Orthopoxvirus genus.

Sinabi ng DOH na karaniwang sintomas ng monkeypox ang lagnat, matinding pananakit ng ulo, pamamaga ng lymph nodes, pananakit ng likod, pananakit ng kalamnan, kawalan ng enerhiya, at pagputok ng balat.

Inatasan din ni Abalos ang mga provincial governors at city/municipal mayors na tiyakin ang kahandaan ng kani-kanilang Local Health Offices, Epidemiologic and Surveillance Units, at Barangay Health Emergency Response Teams na ipatupad ang DOH guidelines at protocols sa surveillance, screening, management, at infection control ng monkeypox.

Sinabi rin niya na dapat mahigpit na subaybayan ng mga LGU ang mga manlalakbay mula sa mga bansang may naiulat o patuloy na mga kaso ng monkeypox na nakakaranas ng mga palatandaan at sintomas, makipag-ugnayan sa mga private health care facilities upang matiyak ang pag-uulat ng mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas, at mag-ulat ng impormasyon sa mga pinaghihinalaan o kumpirmadong kaso sa DOH sa loob ng 24 na oras.

Hinikayat din niya ang publiko na mahigpit na sumunod sa minimum public health standards (MPHS) na itinakda ng DOH, magsagawa ng disinfection measures, panatilihing malinis na kamay at respiratory hygiene, at bawasan ang pakikipag-ugnayan sa mga taong may sakit upang malimitahan ang impeksyon.

Ang unang kaso ng monkeypox sa bansa ay isang Pinoy na dumating mula sa ibang bansa noong Hulyo 19. Ayon sa DOH, gumagaling na ang kaso at nasa quarantine ang 10 close contacts nito at mahigpit na binabantayan kung may mga sintomas.

Sinabi rin ng DOH na hindi tulad ng Covid-19, hindi lahat ay maaaring mangailangan ng bakuna bilang proteksyon laban sa monkeypox maliban sa mga health worker at iba pang vulnerable na sektor.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.