DILG: Walang special treatment kay Guo

0
170

MAYNILA. Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na walang special treatment ang ibinibigay kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos siyang madakip sa Indonesia at ibalik sa Pilipinas.

Sa isang ambush interview, ipinahayag ni Abalos na sinunod nila ang tamang proseso para maibalik si Guo sa bansa. Ayon kay Abalos, “ginawa namin ang lahat para maibalik siya dito,” at siniguro niyang tulad ng isang ordinaryong akusado, si Guo ay nakakulong na ngayon nang walang pribilehiyo, tulad ng paggamit ng cellphone o air conditioning, at sumailalim na rin sa mugshot.

Nahaharap si Guo sa mga kasong human trafficking at money laundering.

Paliwanag ni Abalos tungkol sa kumakalat na larawan at video sa social media, kung saan sinasabing nakatanggap ng death threat ang dating alkalde: “No, ang nangyari niyan noong dumating siya, sabi ko, parang kakilala daw niya ako… now I remember because as DILG mayroong governor, si Governor Yap, nagpaorganize ng meetings ng lahat ng mayors ng Tarlac. So doon kami nagkita,” ani ng kalihim.

Tungkol naman sa larawan na kasama si PNP Chief General Rommel Marbil, sinabi ni Abalos na ito ay para lamang sa documentation. Nakuhanan ang larawan habang nasa gitna nila si Guo, na nakangiti at naka-peace sign, na ikinondena ng mga netizens.

Naibalik si Guo sa bansa mula sa Indonesia bandang ala-1 ng madaling araw kahapon, sakay ng isang pribadong eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Umalis siya ng bansa noong Hulyo.

Indonesia Walang Request sa ‘Palit Ulo’ Kay Guo

Samantala, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na opisyal na request mula sa pamahalaan ng Indonesia ukol sa umano’y “palit ulo” kay Alice Guo.

Ayon kay DOJ Undersecretary Nicky Ty, “Huwag natin pangunahan,” na tumutukoy sa usapin ng pagpapalit umano kay Guo sa Australian national na si Gregor Johan Haas, na wanted sa kasong drug smuggling. Si Haas ay nahuli ng Bureau of Immigration sa San Remigio, Northern Cebu noong Mayo 15, 2024, base sa isang Interpol red notice.

Nauna dito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may ilang kondisyon para sa deportation ni Guo, na nadakip sa Tangerang, Indonesia.

Personal na nagtungo sa Indonesia sina DILG Secretary Abalos at PNP Chief Marbil upang sunduin si Guo, at agad na iti-turn over siya sa Senate Sergeant-at-Arms.

Naglabas na rin ang RTC Branch 109 ng Capas, Tarlac ng warrant of arrest laban kay Guo para sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Photo: Department of Interior and Local Government

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.