MAYNILA. Nanawagan si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ipabuksan ang mga bank accounts ng lahat ng empleyado at opisyal ng ahensiya upang malaman kung sino ang posibleng may tinatagong yaman sa gitna ng mga ulat ng malawakang korapsyon.
Kaugnay ito ng mga anomalya sa mga proyekto ng DPWH, partikular sa flood control projects, na iniulat na overpriced, substandard, o kaya’y ghost projects.
Ginawa ni Diokno ang panukala matapos mangako si Dizon na tatanggalin sa loob ng 60 araw ang mga tiwaling opisyal, kasunod ng kanyang panawagan ng courtesy resignation kung saan umano’y 100 porsyento nang nag-comply ang mga opisyal at kawani ng ahensiya.
“Perhaps it would be good to consider asking the employees and officials of DPWH to execute waivers of the bank secrecy law. Although that’s not part of the standard operating procedure. I think there’s no legal impediment in requesting them to do that,” pahayag ni Diokno, isang human rights lawyer.
Dagdag pa niya, dapat maglabas ng Department Order si Dizon upang ma-secure ang lahat ng electronic devices na ipinagkaloob ng gobyerno, kabilang ang mga computer na maaaring nagamit ng mga nadismis, nagretiro, o nagsumite ng pagbibitiw sa gitna ng mga anomalya.
“Again, there is no right to privacy on the part of the users for government officials and you may access text messages, cell phone calls, even locations of particular times,” ani Diokno, na nagsabing maaaring makuha ang datos kung sino ang nakakausap ng mga opisyal.
Ipinaliwanag rin ni Diokno na may panuntunan na mula sa Korte Suprema hinggil sa cyber warrants na maaaring gamitin sa mga kasong may kinalaman sa paggamit ng electronic o computer devices para sa katiwalian.
Samantala, nakikipag-ugnayan na si Dizon sa Commission on Audit at makikipagkoordinasyon din sa PNP Cybercrime Unit upang makakuha ng tulong sa paghahain ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng DPWH.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






