Discaya, BGC Boys mananatiling nakakulong sa Senado hanggang 2028, ayon kay Sotto

0
359

MAYNILA — Mananatiling nakakulong sa Senado si Curlee Discaya at ang tinaguriang “Bulacan Group of Contractors (BGC) Boys” na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan district engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza hanggang sa mag-adjourn ang 20th Congress sa 2028, maliban kung maglabas ng utos ang korte para sila ay arestuhin o palayain.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, pinahintulutan ng Supreme Court (SC) ang Senado na panatilihin sa kustodiya ang mga indibidwal na napatawan ng contempt habang isinasagawa ang imbestigasyon o hanggang hindi pa ito natatapos.

“Mapipilitan kami, based on the SC ruling, na pagdating ng June 2028, ire-release namin sila,” pahayag ni Sotto sa isang panayam sa dzBB hinggil sa pagkakakulong nina Discaya at tatlong dating district engineer.

Dagdag pa ni Sotto, susunod ang Senado kung mag-uutos ang isang regular na hukuman na arestuhin o ilipat sa ibang detention facility ang apat.
“Of course. Ibang usapan na ‘yon. Oras na pinapaaresto na sila ng korte, di naman puwedeng di ko ibigay ‘yon,” aniya.

Naunang hinatulan ng contempt si Brice Hernandez ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 8 dahil umano sa pagsisinungaling sa pagdinig, habang sina Alcantara, Mendoza, at Discaya ay napatawan din ng contempt noong Setyembre 18.

Sinabi ni Sotto na ang tatlong dating district engineer ay humiling ng house arrest, habang si Discaya naman ay naghain ng habeas corpus petition na tinanggihan ng regional trial court.
“Yung abogado ni Discaya nagpunta sa RTC, dine-deny yung habeas e. Paano ko papayag dito sa sulat nila (for house arrest)? Nagmamakaawa nga e. Pero naawa ba sila sa mga tinamaan nung ginawa nila nung araw?” ayon kay Sotto.

Dagdag pa ng Senate President, pinapabilis ng Senado ang pagpasa ng panukalang batas na lumilikha ng isang Independent People’s Commission (IPC) upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.