MAYNILA — Nilinaw ng Office of the Ombudsman na hindi na maaaring maging state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, habang hindi pa rin tuluyang lusot si Sen. Joel Villanueva sa 2016 dismissal order na diumano’y nabaliktad sa isang “secret decision.”
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, tumanggi ang mga Discaya na makipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng sinasabing maanomalyang flood control projects, kaya’t maaari silang ituring na hostile witnesses at masampahan ng kaso.
Matatandaang umatras sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mag-asawa matapos ang pahayag ni Commission Member Rogelio Singson na wala siyang irerekomendang state witness sa mga sangkot sa proyekto.
Samantala, patuloy pang pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng kampo ng mga Discaya na maging state witness sila.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na dapat munang isauli ng mag-asawa sa gobyerno ang mga nakulimbat na pondo bago pag-usapan ang anumang plea bargain sa kaso.
Sa hiwalay na isyu, ipinahayag ni Remulla na hindi pa rin tapos ang kaso ni Sen. Joel Villanueva kaugnay ng 2016 dismissal order na ibinaliktad umano noong 2019 sa pagitan ni Villanueva at ng dating Ombudsman na si Samuel Martires.
Ayon kay Remulla, nadismaya siya nang matuklasan ang naturang reversal sa desisyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng P10 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Villanueva noong 2008, panahon na siya ay kinatawan ng CIBAC Partylist.
Nakipag-ugnayan na si Remulla kay dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, na unang naglabas ng dismissal order, upang pag-usapan ang susunod na hakbang. Pinayuhan siya ni Morales na magsimula sa pagrerebyu ng kaso batay sa mga rekord.
“Silang dalawa lang ang nakakaalam. Hindi pa kami tapos, pag-aaralan namin. We might have to refile the case, wala namang double jeopardy ‘yun,” pahayag ni Remulla. “How come nobody knew about the reversal of the dismissal order?” dagdag pa niya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






