Disqualified si ICC Prosecutor Karim Khan sa kaso ni Duterte

0
427

THE HAGUE — Diskwalipikado na si International Criminal Court (ICC) Chief Prosecutor Karim Khan sa paghawak ng kasong war crimes laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa desisyong inilabas ng mga hukom ng ICC Appeals Chamber dahil sa posibleng “conflict of interest.”

Batay sa kopya ng desisyon na nakita ng Reuters, pumabor ang mga hukom sa argumento ng panig ni Duterte na si Khan ay dati umanong kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) ng Pilipinas, na nagsumite ng mga komunikasyon sa ICC kung saan tinukoy si Duterte bilang pangunahing suspek sa mga pagpatay kaugnay ng kampanya kontra droga. Dahil dito, sinabi ng korte na maaaring hindi siya maging ganap na patas sa paghawak ng kaso.

Mariing itinanggi ni Khan ang akusasyon at iginiit na walang “conflict of interest” sa kaniyang dating trabaho, ngunit noong Oktubre 2 ay tuluyang ipinasiya ng Appeals Chamber na siya ay madiskwalipika.

Ang desisyon ay isa pang dagok kay Khan, na pansamantala ring umalis sa tungkulin noong Mayo dahil sa imbestigasyong isinasagawa ng United Nations hinggil sa umano’y sexual misconduct laban sa kaniya.

Samantala, si Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang hahawak ngayon sa kaso. Si Niang ay isa rin sa mga opisyal ng ICC na pinarusahan ng Estados Unidos dahil sa pagsisiyasat ng korte sa mga umano’y krimen sa Gaza.

Naaresto si Duterte noong Marso at dinala sa The Hague matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC na nag-uugnay sa kaniya sa libu-libong pagpatay sa kampanya laban sa ilegal na droga mula 2016 hanggang 2022. Ipinagpipilitan ng dating pangulo na labag sa batas ang kaniyang pagkakaaresto at ito raw ay “tantamount to kidnapping.”

Si Khan ay dati na ring pinatanggal sa imbestigasyon ng ICC sa Venezuela dahil sa posibleng “conflict of interest” matapos mabunyag na ang kaniyang bayaw ay abogado ng gobyerno ni Venezuelan President Nicolás Maduro.

Patuloy namang itinanggi ng kampo ni Khan ang lahat ng paratang laban sa kaniya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.