Divorce bill tinutulan ng simbahan

0
383

MAYNILA. Kinontra ng Simbahang Katolika sa pag-apruba ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality sa Senate Bill 2443 o mas kilala bilang Absolute Divorce Bill sa bansa.

Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Affairs, ang pagpapasa ng nasabing panukalang batas ay itinuturing nilang laban sa pamilya, kasal, at kabataan. Ipinunto ni Fr. Secillano ang negatibong epekto ng divorce bill sa paghihiwalay ng mag-asawa sa kanilang pamilya, lalo na sa mga kabataan.

“Naninindigan tayo na ang divorce ay hindi kailanman naging pro-pamilya, pro-kabataan, at pro-kasal. Ang diborsyo ay kontra-pamilya, kontra-kasal, at kontra-kabataan,” pahayag ni Fr. Jerome Secillano sa isang panayam sa Radyo Veritas.

Binigyang-diin ni Fr. Secillano ang pangangailangan na mas maipaliwanag sa mga mamamayan ang mga negatibong implikasyon ng pagpapasa ng divorce bill sa bansa, lalo na’t ito ay naging sentro ng diskusyon sa komite ng Senado.

“Nakakabigla naman dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay naisulong itong divorce bill sa Senado, dati rati kasi Mababang Kapulungan lang ng Kongreso ang nakagagawa nito. Kaya naman, dapat paigtingin ng mga anti-divorce advocates ang kanilang mga pagsusumikap upang maipaliwanag natin sa mga mamamayan ang mga kahinaan ng divorce,” dagdag pa ni Fr. Secillano.

Hinigpitan pa ni Fr. Secillano na ang paghihiwalay o diborsyo ay hindi solusyon sa mga problema o hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa, at ito’y naglalagay lamang ng masamang pundasyon sa buhay ng mga batang may magulang na hiwalay.

Sa kabila ng mga kontrobersya, inihayag ni Fr. Secillano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng balanse sa pagtingin sa usapin ng diborsyo sa bansa. Kinakailangang isalaysay ang mga aspeto ng usapin na may negatibong implikasyon, lalo na sa sakramento ng kasal.

Ayon sa panlipunang turo ng Simbahan, ang sakramento ng kasal ay hindi lamang isang simbolismo ng pagsasama ng mag-asawa, kundi isang biyayang ibinibigay ng Diyos upang magampanan ng mag-asawa ang kanilang mga responsibilidad sa pamilya at sa lipunan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.