MAYNILA — Inihayag ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na posibleng makulong ngayong Nobyembre ang higit 40 indibidwal na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan at Oriental Mindoro.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni Dizon na hindi na hihintayin ang Disyembre at inaasahang may mga makukulong na bago matapos ang buwan.
Kabilang sa mga tinukoy niya ay ang 26 indibidwal na idinadawit sa flood control project sa Bulacan at 15 pa na sangkot umano sa kahalintulad na anomalya sa Mindoro.
Ayon kay Dizon, kasama sa mga kakasuhan sa Bulacan sina Discaya at Henry Alcantara, habang sa Mindoro naman ay kabilang sa mga iniimbestigahan si dating congressman Zaldy Co at ang kanyang kompanya.
Sinabi ng kalihim na mismong si Ombudsman Boying Remulla ang nagsabing ang mga kasong kriminal kaugnay sa dalawang flood control projects ay maaaring masampa ngayong linggo o sa susunod.
Dagdag niya, ilang araw o linggo na lamang ang bibilangin bago makasuhan at makulong ang mga indibidwal na sangkot, lalo na at non bailable umano ang mga kasong isasampa.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makukulong bago mag Pasko ang mga pinangalanang sangkot sa kontrobersiya.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng Pangulo na hindi magiging masaya ang kanilang Pasko dahil buo na ang kaso laban sa marami sa kanila at nakatakdang maisilbi ang mga ito. “Wala silang merry Christmas,” ayon sa kanya.
Tiniyak din ni Marcos na mababawi ang bilyon bilyong pisong ninakaw umano sa kaban ng bayan, bagaman hindi pa siya nagbibigay ng eksaktong timeline dahil patuloy pa ang pagtukoy sa iba pang posibleng assets.
Sa ngayon, tinatayang P6.3 bilyon ang maaaring mabawi mula sa freeze orders ng Anti Money Laundering Council na inuugnay sa korupsiyon sa flood control projects, bukod pa sa P3 hanggang P5 bilyong halaga ng tax liability.
Sinabi ng Pangulo na umaasa siyang mas marami pang halaga ang mababawi habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






