Dizon: Mauubos ang empleyado ng DPWH dahil sa mass firing

0
363

MAYNILA — Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na marami ang matatanggal sa trabaho kasabay ng malawakang paglilinis at reporma sa ahensiya, kaugnay ng mga isyung bumabalot sa umano’y maanomalyang flood control projects.

“Unang-una, hindi baka… maraming mawawala — marami talaga ang mawawala rito,” pahayag ni Dizon sa isang pulong-balitaan sa isang hotel sa Clark, Pampanga nitong Biyernes.

Ayon sa kalihim, walang sasantuhin sa gagawing sibakan, mula “top to bottom,” at sisiguraduhing mapapalitan ang mga opisyal at empleyadong masisibak. “Tatanggalin na walang sisinuhin at walang sasantuhin,” aniya.

Ipinunto ni Dizon na ang tunay na reporma ay dapat magsimula sa loob ng ahensiya, alinsunod sa mga payo nina dating DPWH secretaries Rogelio “Babes” Singson at Ping de Jesus.
“Pero we also need to seek external help. Like getting external advisers sa mga engineering companies na respetado sa buong bansa. Importante rin yun,” dagdag pa niya.

Noong huling bahagi ng Setyembre, naglabas si Dizon ng show-cause order laban sa ilang regional directors at district engineers na umano’y sangkot sa mga substandard na proyekto, pakikialam sa mga ebidensya, at labis na marangyang pamumuhay na lampas sa kanilang kakayahang pinansyal.

Nagsagawa rin ng personal na inspeksyon si Dizon kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga iniulat na substandard na proyekto upang beripikahin ang mga reklamo at impormasyon mula sa iba’t ibang sources.

Kabilang sa mga nasampahan ng kasong graft and corruption, malversation, at paglabag sa Government Procurement Act sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at 18 iba pang opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office na sinasabing sangkot sa mga iregularidad.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.