Dizon nagbabala sa mag-asawang Discaya, mga kasong non-bailable inihahanda na

0
301

MAYNILA — Nagbabala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mag-asawang Curlee at Sara Discaya na tuluyan na silang mawawalan ng pagkakataong maging state witness ng pamahalaan kung patuloy silang tatangging makipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

“Kung hindi sila magko-cooperate, pasensyahan tayo,” ayon kay Dizon sa panayam sa media.
“Binigyan na nga sila ng pagkakataon ng ICI na mag-cooperate. Pero ngayon na hindi sila magko-cooperate, well, lahat ng mga kaso against them, talagang ano ‘yan. Wala nang possibility na maging state witness or ano,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng kalihim na simula pa noong 2016 ay nakakuha na ng maraming kontrata sa gobyerno ang mag-asawang Discaya kaya’t inaasahang marami silang kakaharaping kaso.
“Multiple counts of graft, malversation, multiple cases ‘yan,” aniya.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Dizon na inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang mga kasong isasampa sa Sandiganbayan laban sa mag-asawang Discaya, matapos ideklara ng mga ito na hindi na sila makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng ICI.

Ayon kay Dizon, nakausap niya si Ombudsman Boying Remulla kamakalawa ng gabi, at sinabi nitong posibleng maisampa ang mga kaso sa mga susunod na linggo.
“Well, sabi nga ni Ombudsman Boying, tingnan natin sa mga susunod na linggo, kasi ‘yung unang kaso na finile natin kasama ang mga Discaya e ready na ‘yun for filing sa Sandiganbayan, at alam niyo naman, non-bailable ‘yung kaso doon,” ani Dizon.
“So, malapit nang magkaharap-harapan talaga dito. Tingin ko, linggo na lang siguro ang bibilangin at malapit nang ma-file ng Ombudsman, ‘yun ang sinabi sa akin ni Ombudsman Boying,” dagdag pa niya.

Matatandaang noong Setyembre ay sinampahan na ng DPWH ng mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, malversation, at falsification of documents ang St. Timothy Construction Corp., na pagmamay-ari ng mag-asawang Discaya, at ilan pang empleyado nito sa Office of the Ombudsman.

Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa limang umano’y maanomalyang kontrata sa probinsya ng Bulacan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.