DMW: 3 Filipino OFW patay sa sunog sa Kuwait

0
321

MAYNILA. Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na tatlong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi sa isang sunog na naganap sa isang gusali sa Kuwait noong Miyerkules ng umaga, Hunyo 12.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, ang tatlo ay nasawi dahil sa pagkalanghap ng usok. Ang mga biktima ay kabilang sa 11 OFWs na nagtatrabaho para sa isang Kuwaiti construction company at naninirahan sa nasabing gusali.

Dalawa pang OFW ang nananatili sa ospital at nasa kritikal na kondisyon, samantalang ang natitirang anim ay ligtas at walang pinsala.

Iniutos ni Secretary Cacdac sa Migrant Workers Office sa Kuwait (MWO-Kuwait) at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait (PE-Kuwait) sa ilalim ni Ambassador Jose Cabrera para sa pagpapauwi sa mga labi ng tatlong nasawing manggagawa.

Sa kanyang ulat, binigyang-diin ni Cacdac na personal silang nakikipag-ugnayan ni OWWA Administrator Arnell A. Ignacio sa lahat ng pamilya at kamag-anak ng 11 OFW. “We are in touch with the families of all the affected OFWs, including the families of those two in critical condition and the families of the three fatalities. Six of them are now safe and provided with their immediate needs. We will provide all the necessary assistance and support to the OFWs and their families in this difficult time as directed by the President,” ani Secretary Cacdac.

Iniulat ng mga awtoridad ng Kuwait na nagsimula ang sunog bandang alas-4:30 ng umaga noong Miyerkules, Hunyo 12, 2024 (9:30 ng umaga, oras sa Maynila) sa gusaling nagsilbing pasilidad ng pabahay at dormitoryo para sa mga dayuhang manggagawa ng naturang Kuwaiti construction company. Ang gusali ay matatagpuan sa al-Mangaf, isang baybaying lugar sa timog ng Kuwait.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog at upang masiguro ang kaligtasan ng iba pang mga manggagawa na naninirahan sa mga katulad na pasilidad.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo