MAYNILA — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay ng 24 Filipino ship captains na umano’y naka-assign sa mga barkong bahagi ng “shadow fleet” ng Russia na maaaring malagay sa panganib dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa isang press conference, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na sinusuri ng ahensya kung ang mga seafarer ay na-recruit sa pamamagitan ng mga licensed manning agency at kung dumaan sa tamang deployment process ng pamahalaan.
Ayon kay Cacdac, kinukumpirma pa ng DMW ang pagkakakilanlan ng 24 na seafarers na sakay ng tinatawag na shadow fleet. Kasabay nito, nire-review din ng ahensya kung sila ay legal na naipadala sa trabaho, dahil maaaring patawan ng mabigat na parusa ang mga lumipat sa unauthorized employers.
Nanawagan din ang kalihim sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad na tiyaking dumaan sa proseso ng DMW upang maiwasan ang ilegal at mapanganib na employment arrangements. Idinagdag niya na may hinala ang ahensya na maaaring hindi dumaan sa DMW ang naturang deployment.
Ipinaliwanag pa ni Cacdac na ang mga barkong kabilang sa shadow fleet ay hindi rehistrado sa DMW, kaya’t malamang na hindi dumaan sa opisyal na proseso ang mga seafarer na napasama rito.
Ang ulat tungkol sa mga Filipino seafarers ay unang naiparating ni Ukrainian Ambassador Yuliia Fediv kay Senador Erwin Tulfo sa isang courtesy call noong nakaraang linggo.
Inaasahang makikipagpulong si Tulfo sa mga opisyal ng DMW at Department of Foreign Affairs ngayong linggo upang talakayin ang mga hakbang ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong seafarer na posibleng apektado ng sitwasyon.
Patuloy ang beripikasyon at koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya habang sinusubaybayan ang kaso. Ang “Shadow Fleet” ay tumutukoy sa mga barkong naglalayag sa ilalim ng radar, kadalasan upang umiwas sa regulasyon o sanctions, kaya’t hindi ito rehistrado sa DMW at maaaring delikado para sa mga seafarer na nakasakay dito.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






