MAYNILA – Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado na kabilang na ang Strait of Hormuz sa mga itinuturing na “high-risk area” para sa mga Pilipinong seafarer dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia sa isang press conference na pinalawak ng ahensya ang advisory nito para sa maritime sector at isinama ang Strait of Hormuz bilang “high-risk area.”
Dahil dito, may karapatan na ang mga Pilipinong seafarer na tumangging sumakay sa barko na dadaan sa nasabing kipot.
Kung sakaling magtungo ang barko sa lugar habang nasa biyahe, may karapatan naman ang mga Pilipinong manggagawa sa mas mataas na benepisyo at kompensasyon, ayon sa ulat.
Matatagpuan ang Strait of Hormuz sa pagitan ng Iran at Oman, at dito dumadaan ang humigit-kumulang dalawampung porsyento ng kabuuang konsumo ng langis sa buong mundo.
Itinuturing din itong pinakamahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo, na nag-uugnay sa mga pangunahing producer ng langis sa Gulf tulad ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, at United Arab Emirates papunta sa Gulf of Oman at Arabian Sea.
Lumala ang sitwasyon sa lugar matapos ang mga kamakailang pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran. Gumanti naman ang Iran laban sa dalawang bansa at sa kanilang mga kaalyado sa Gulf, na nagdulot ng matinding pagkaantala sa paglalayag ng mga barko sa mahalagang rutang ito.
Ayon sa Joint Manning Group (JMG), isang samahan ng mga manning agency sa Pilipinas, nasa 1,000 Pilipinong seafarer ang na-stranded sa Strait of Hormuz at sa Persian Gulf. Sakay sila ng halos 200 barko.
Sinabi ng JMG na patuloy ang koordinasyon ng mga shipping company at Philippine manning agencies sa mga shipowner tungkol sa sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Olalia na mino-monitor ng DMW ang mga barkong na-stranded sa Strait of Hormuz.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





