MAYNILA. Nagbabala ang Department of Energy (DOE) hinggil sa posibleng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa bunsod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, na nagdudulot ng malaking epekto sa pandaigdigang merkado ng langis.
Ayon kay DOE Officer-in-Charge Sharon Garin, nagsasagawa na ng mahigpit na monitoring ang ahensya upang tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng fuel, gayundin ang pamamahala ng lokal na price adjustments upang mabawasan ang epekto nito sa ekonomiya.
“As we face continued volatility in the global oil market, the Department of Energy is taking firm and proactive steps to protect the welfare of our people,” pahayag ni Garin nitong Martes.
Kasama sa hakbang ng DOE ang pakikipag-ugnayan sa oil industry, pagsubaybay sa imbentaryo, at paghahanda ng mga interbensyon upang suportahan ang mga sektor na direktang maaapektuhan ng taas-presyo, gaya ng transportasyon at agrikultura.
Hinimok din ng DOE ang mga kumpanya ng langis na magpatupad ng staggered fuel price adjustment lalo na kung may biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, upang mabawasan ang pasanin sa mga mamimili.
Batay sa datos ng DOE, umabot sa $73 kada bariles ang presyo ng Dubai crude noong Hunyo 16. Kapag lumampas ito sa $80 kada bariles, awtomatikong inia-activate ang fuel subsidy sa ilalim ng umiiral na polisiya.
Nakahanda ang pamahalaan na magbigay ng subsidiya, alinsunod sa 2025 General Appropriations Act (GAA), na naglalaan ng P2.5 bilyon sa Department of Transportation para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan, taxi, ride-hailing services, at delivery platforms. May karagdagang P585 milyon ding alokasyon para sa Department of Agriculture upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda.
Dagdag pa ni Garin, patuloy na sinusuri ng DOE ang real-time na datos mula sa pandaigdigang merkado upang makapagbigay ng mabilis at epektibong tugon sa mga pagbabago sa presyo.
Sa kasalukuyan, inaatasan ang mga kumpanya ng langis na panatilihin ang hindi bababa sa 30-araw na imbentaryo ng krudo at 15-araw na imbentaryo ng mga finished petroleum products.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.