DOH: Buksan ang mga bintana ng classrooms

0
356

Nagpaalala ang Department of Health sa mga opisyal ng mga pampublikong paaralan na buksan ang kanilang mga bintana upang magkaroon ng maayos na daloy ng hangin sa loob ng mga silid-aralan at hinikayat ang mga estudyante na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang heat stress sa gitna ng mainit na panahon.

Sa press conference, pinaalalahanan ni DOH-OIC Maria Rosario Vergeire ang mga estudyante na magbaon ng bottled water at uminom ng madalas kahit hindi nauuhaw.

Aniya, sapat na ang walong baso ng tubig kada araw.

Iminungkahi rin ni Vergeire sa mga school canteen na iwasang mag-serve ng pagkain na madaling mapanis.

Noong nakaraang Huwebes, mahigit 100 mag-aaral mula sa Gulod National High School-Mamatid Extension ang nagkasakit sa isang surprise fire drill, kung saan ang ilan ay nawalan ng malay dahil sa gutom at dehydration.

Sinabi ng School Division Office sa Cabuyao na 83 estudyante ang dinala sa mga ospital.

Sa araw ng drill, ang heat index sa lungsod ay umabot sa pagitan ng 39 hanggang 42 degrees Celsius, ayon sa isang opisyal ng disaster management.

Kinabukasan, mas maraming estudyante ang nagkasakit habang nagkaklase, kung saan nalaman ng City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) na nakasara ang circuit breaker sa gusali ng paaralan at sarado ang mga bintana sa mga classroom

Pinayuhan ni Vergeire ang general public sa paglabas mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon kung saan matindi ang init.

Iminungkahi din niya ang pagsusuot ng sombrero o paggamit ng mga payong sa panahong ito.

Pinaalalahanan din niya ang pet owners na painumin ng tubig ang kanilang mga alagang hayop nang madalas, ilagay sila sa mas malalamig na lugar, at paliguan sila kahit isang beses sa isang linggo upang maiwasan ang heat stress o heat stroke.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.