Quezon City. Dalawampu’t limang kaso lamang ng adverse event following immunization (AEFI) ang naitala sa 23,727 na batang nasa edad 12 hanggang 17 na may comorbidities na nabakunahan laban sa Covid-19 sa 14 na araw na pilot rollout na isinagawa sa 6 na ospital sa Metro Manila.
Tatlong AEFI ang naging malubha ang kaso na nauwi sa anaphylaxis o severe allergy na nangailangan ng injection ng epinephrine at oxygenation, ayon sa report ni Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang online media briefing kanina.
“Yung ibang kaso, mild allergies, may konting rashes, may konting sakit sa injection site and many of these, makikita natin sa mga bata even sa measles, rubella vaccination”, ayon kay Cabotaje.
May ilang bata na nakaranas ng pagkahimatay at palpipation na ayon sa under secretary ay karaniwang immunization-related anxiety response.
Sisimulan sa Nobyembrre 3 sa mga local government unit ang pagbabakuna sa mga bata, may comorbidities o wala. Ang full implementation ng pediatric vaccination ay nakatakda sa Nobyembre 5, ayon kay Cabotaje.
“Ang 12 to 17 years old po ay 12,722,070 individuals sa buong bansa iyan and by December our target is to vaccinate at least 80 percent of the target population with two doses,” ang pagtatapos ng under secretary.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.