DOH: Iba ang formula ng Pfizer jabs para sa 5-11 taong gulang

0
494

Iba ang formula ng Pfizer BioNTech (Pfizer) Covid-19 vaccine na ibinibigay sa mga batang may edad na limang taon hanggang 11 taon kaysa sa ibinibigay sa 12 hanggang 17 taong gulang at matatanda, ayon kay Department f Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing sa Malacañang kahapon.

“Kahit parehong Pfizer po ang brand na binibigay sa mga 12 to 17 years old at five to 11 years old, magkaiba po ang formula ng bakuna sa kanila,” ayon kay Vergeire.

Sinabi niya na ang iba’t ibang dosis ng Pfizer ay may color-coded na mga takip ng bote upang matiyak na ang mga indibidwal ay mabibigyan ng tamang dosis.

Batay sa isang pag-aaral mula sa United States, ang bakunang Covid-19 para sa lima hanggang 11 taong gulang ay may efficacy rate na 91 porsiyento, na walang nakitang seryosong epekto.

“Gaya po ng pagbabakuna sa nakakatanda, maaari pong makaramdam ang ating mga kabataan ng pananakit o pamumula ng injection site, pagkapagod o fatigue, o pananakit ng ulo,” ayon kay Vergeire.

Sinabi niya na ang mga sintomas na ito ay inaasahang mawawala pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong araw at maaaring maibsan sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga bata ay well-hydrated o nabibigyan ng paracetamol.

“Bihira lamang ang malalang side effect dahil sa Covid-19 vaccine, at kung meron man, ay gumagaling din po ang mga kabataang nakakaranas nito,” dagdag pa ni Vergeire.

Binanggit niya na ayon sa Philippine Pediatric Society at Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines, ang mga bata ay napag alaman na may mas banayad na sintomas ng Covid-19 ngunit nahahawahan pa rin at maaari pa ring ma-ospital o ma-admit sa intensive care unit (ICU).

“Para naman po sa mga kabataang may karamdaman o co-morbidities, mas mataas po o 1.8x ang risk na sila po ay tamaan ng malubhang Covid-19 na maaaring mangailangan ng intensive care, habang 2.8x naman po ang risk na maaaring sanhi ng pagkamatay dahil po sa pagkakahawa sa virus,” ang pagtatapos ni Vergeire.

Ang test run ng mga bakuna para sa nabanggit na age bracket, ayon sa kanya ay sisimulan sa NCR sa Pebrero at palalawakin sa natitira pang bahagi ng Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon sa ikalawang linggo.

Batay naman sa mga datos ng American Academy of Pediatrics, sinubukan ng mga imbestigador ang mas mababang dosis na Pfizer-BioNTech na bakuna sa 2,268 na bata at ipinahayag nila noong Setyembre 2021 na ang kanilang data ay nagpapakita na ito ay ligtas at gumagawa ng isang makabuluhang immune response.

Ang mga dosis ng mga batang edad 5 hanggang 11 ay ibibigay mula sa orange-capped na vial upang maiiba ang mga ito sa mga dosis para sa adults.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.