DOH mahigpit ang pagbabantay sa Mpox Clade 1b

0
66

MAYNILA. Binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na makapasok sa bansa ang mas nakakahawa at mas nakamamatay na Clade 1b variant ng monkeypox o Mpox.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, tanging Clade II mild variant lamang ang naitatala sa Pilipinas. “Very mild, self-limiting, at tsaka ang transmission niya ay skin-to-skin contact,” paliwanag ni Herbosa. Idinagdag pa niya na ang mga nasawi ay hindi dahil sa Mpox kundi sa komplikasyong dulot ng advanced human immunodeficiency virus (HIV).

Ang pinakahuling kaso ay isang residente ng Maco, Davao de Oro, na tuluyan nang nakarekober, habang iniimbestigahan pa ang dalawang hinihinalang kaso sa Maco at Nabunturan. Samantala, ang kaso sa Iloilo ay gumaling na rin, ayon sa provincial health office, ngunit may apat pang hinihinalang kaso na kasalukuyang naka-isolate.

Sa Bacolod City, mahigpit ang ipinapatupad na pag-iingat sa mga hotel, spa, wet markets at mga terminal upang maiwasan ang outbreak.

Sinabi ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na kusang gumagaling ang Mpox sa loob ng isa hanggang dalawang linggo. Kailangan lang ng isolation, tamang pag-aalaga ng mga sugat, pagpigil sa pagkamot, at pahinga hanggang apat na linggo para sa tuluyang paggaling.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.