MAYNILA — Hinikayat ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Bureau of Quarantine (BOQ) ang publiko at mga frontliner na palakasin ang kamalayan hinggil sa Nipah Virus (NiV) sa halip na magpatupad ng mga paghihigpit sa paglalakbay, kasunod ng mga naitalang kaso sa West Bengal, India.
Ayon kay DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, nagpadala na ang BOQ ng impormasyon at mga materyales sa edukasyon tungkol sa NiV sa lahat ng Points of Entry (PoE) sa bansa, kabilang ang mga paliparan at pantalan.
“Ang pagtuklas ng mga kumpirmadong kaso ng Nipah Virus (NiV) sa tao sa West Bengal, India ay isang kamakailang pangyayari na sinusubaybayan sa pandaigdigang antas,” pahayag ni Domingo. “Walang mga internasyonal na rekomendasyon para sa mga paghihigpit sa paglalakbay.”
Dagdag pa niya, “Ang DOH Bureau of Quarantine ay nananatiling mapagmatyag at inirerekomenda ang mas mataas na kamalayan sa halip na paghihigpit sa paggalaw ng mga manlalakbay.”
Binigyang-diin ni Domingo na nananatiling bukas ang mga border ng Pilipinas at patuloy ang mga hakbang sa border screening, kabilang ang online health declaration bago bumiyahe, thermal scanning pagdating, at sinanay na obserbasyon ng mga tauhan sa mga biyahero upang maprotektahan ang publiko laban sa posibleng pagpasok ng sakit.
“Sa pamamagitan ng pagtuon sa pagtuturo sa publiko at pagtiyak na handa ang mga frontliner ng paliparan at daungan, ang DOH BOQ sa pakikipagtulungan sa iba pang mga kasosyo sa kalusugan ay makakatulong na maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng anumang potensyal na banta ng sakit,” aniya.
Ayon pa sa DOH, ipinakalat na sa lahat ng istasyon ng BOQ ang mga detalye tungkol sa NiV, kabilang ang mga karaniwang sintomas tulad ng lagnat, sakit ng ulo at paghihirap sa paghinga, mga paraan ng pagkahawa gaya ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga nahawaang paniki, baboy o kontaminadong prutas, at mga hakbang sa pag-iwas.
Sa India, kinumpirma ng mga awtoridad ang dalawang kaso ng NiV, habang mahigit 100 close contacts ang mahigpit na minomonitor. Dahil dito, inanunsyo ng mga karatig-bansa tulad ng Thailand at Malaysia ang paghihigpit sa kanilang airport screening procedures.
“The ministry remains vigilant against the risk of cross-border transmission following sporadic infections in several other countries,” pahayag ng Malaysia’s health ministry.
Nauna nang sinabi ng DOH na handa ang Pilipinas na tumugon sakaling matukoy ang NiV sa bansa at ipinatutupad na ang 2023 guideline sa pagharap sa naturang virus.
Ayon sa World Health Organization, ang NiV ay isang zoonotic virus na maaaring maipasa mula sa kontaminadong pagkain o sa pagitan ng mga tao. May tinatayang 40% hanggang 75% mortality rate ang virus, at karaniwang naipapasa mula sa mga infected animals patungo sa tao sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan o pagkain ng infected meat.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





