DOH may paalala sa mga lalahok sa Trillion Peso March

0
382

MAYNILA. Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga makikilahok sa “Trillion Peso March” na unahin ang kalusugan at kaligtasan habang dumadalo sa inaasahang malaking rally laban sa korapsyon sa bansa ngayong Linggo, Setyembre 21.

“Una, alamin ang detalye ng pagtitipon at ang inaasahang lagay ng panahon at magdala ng mga essentials gaya ng face mask, alcohol o hand sanitizer, pamaypay, tubig, sombrero, tuwalya, at maintenance medicines,” ayon sa advisory ng DOH.

Pinayuhan din ng ahensya ang mga lalahok na kumain nang sapat bago umalis, magsuot ng magaan at komportableng damit, at tiyaking fully charged ang cellphone.

Dagdag pa ng DOH, kung may nararamdamang sintomas ng sakit tulad ng lagnat, ubo, at sipon, mainam na huwag nang dumalo upang maiwasan ang hawaan.

Habang nasa pagtitipon, pinaalalahanan ang publiko na panatilihin ang kalinisan ng kamay, uminom ng sapat na tubig, at iwasan ang makipagtulakan upang maiwasan ang aksidente. Kung makaramdam ng pagkahapo, pinayuhan ang mga kalahok na sumilong o pumwesto sa mas preskong lugar para makapagpahinga.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.