DOH: Mpox vaccine sa Pinas, hindi pa kailangan

0
149

MAYNILA. Tiwala ang Department of Health (DOH) na hindi pa kinakailangan ang suplay ng bakuna laban sa mpox sa kabila ng naitalang karagdagang mga kaso sa bansa. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang pangunahing susi para maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng virus ay kalinisan.

“Ang pagpapanatili ng malinis na kapaligiran at katawan ang pinakamabisang paraan upang makontrol ang pagkalat ng mpox, hindi tulad ng tigdas at Covid-19,” ayon kay Herbosa. Dagdag pa niya, mas madaling makontrol ang mpox basta’t nasisiguro ang kalinisan sa kapaligiran at pangangatawan.

Bagama’t nakapila na ang Pilipinas sa World Health Organization (WHO) para sa 2,500 doses ng mpox vaccine, sinabi ni Herbosa na hindi pa prayoridad ang bansa na bigyan ng bakuna. Ayon sa kasunduan ng mga health ministers mula sa iba’t ibang bansa, ang suplay ng bakuna ay ibubuhos muna sa mga bansang may mga outbreak ng mpox, gaya ng mga bansa sa Africa.

Sinabi rin ni Herbosa na kung sakaling makatanggap ng bakuna ang Pilipinas, uunahin ang mga “high risk” o iyong mga may mataas na tsansang mamatay, tulad ng mga taong may HIV at iba pang sakit.

Kamakailan lamang ay inaprubahan ng WHO ang paggamit ng isang bakuna laban sa mpox para sa “global use” o upang magamit sa iba’t ibang bansa. Ayon pa kay Herbosa, mahalaga ang pagpapatingin upang agad na matukoy ang mga may sakit at ma-isolate ang mga ito.

Dagdag pa ng health secretary, “Kaya nating makontrol ang mpox kaya’t hindi dapat mabahala ang publiko kahit hindi pa dumarating ang bakuna.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo