DOH: Nurses sa PH paubos na

0
207

Tuluyan nang mauubos ang mga nars na nagtatrabaho sa Pilipinas kung hindi mababawasan ang bilang ng mga umaalis patungo sa ibang bansa upang magtrabaho. Ito ang pahayag ni health secretary Ted Herbosa, na kasabay ng pagpapahayag na mas marami ang umalis kaysa sa mga bagong pumapasok.

“I saw the figures, mas marami ‘yung umaalis kesa sa napo-produce natin. In a few more years, I don’t know how many but I think it can be counted by the fingers of one hand. In a few years, if we don’t do anything, maubusan tayo ng nurses,” dagdag pa ni Herbosa.

Batay sa talaan ng Department of Health (DOH), mayroong 44,602 na doktor at 178,629 na nars ang nagtatrabaho sa Pilipinas. Malayo ito sa mga datos ng Professional Regulatory Commission na nagpapahayag na mayroong 95,000 na lisensyadong doktor at 509,000 na lisensyadong nars sa bansa.

Kinumpirma rin ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na 40-50% ng kanilang mga nars ang nagbitiw sa kanilang mga trabaho sa loob ng nakaraang dalawang taon upang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Dahil dito, bukas ang PHAPI sa pagbibigay ng pansamantalang lisensya sa mga nars na hindi pa nakapasa sa mga pagsusulit sa board o sa mga nars na hindi pumasa sa unang pagkakataon. Ang layunin nito ay mapunan ang kakulangan sa mga nars at mapanatili ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa bansa.

Ngunit, itinutulak din ng PHAPI ang mga hakbang upang mapababa ang bilang ng mga nars na umaalis. Kasama na rito ang pagbibigay ng mas maayos na pasahod at trabaho sa loob ng bansa, upang maging kaakit-akit ito sa mga nars na manatili at maglingkod sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-aaral at paghahanap ng mga solusyon upang mapangalagaan ang mga health worker sa bansa, partikular na ang mga nars na kritikal sa pagpapanatili ng kalusugan ng mamamayan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.