DOH: Pagtaas ng kaso ng COVID-19, hindi pa alarming

0
248

MAYNILA. Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng bahagyang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, ngunit tiniyak nila na hindi ito sapat na dahilan upang magpatupad ng travel restrictions.

Sa isang pahayag, siniguro rin ng DOH na lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay nananatiling nasa ‘low risk’ sa COVID-19. Ayon sa datos ng DOH hanggang noong Mayo 12, 2024, 11% o 119 mula sa 1,117 dedicated COVID-19 ICU beds ang okupado, habang 13% o 1,238 ng 9,571 dedicated COVID-19 non-ICU beds ang ginagamit.

Ayon sa mga ulat mula sa DOH Data Collect application, 116 lamang ang mga severe at critical COVID-19 cases na naka-admit sa iba’t ibang pagamutan. Mula Mayo 7-13, 2024, naiulat ang 877 bagong kaso ng COVID-19, na may average na 125 kaso kada araw. Pitong pasyente ang may severe o critical disease habang lima ang namatay dahil sa karamdaman mula Abril 30-Mayo 13.

“It is important to note that by law, doctors, their clinics, hospitals and other facilities are required to accurately and immediately report cases of CO­VID-19, whether tested by PCR or rapid antigen test. This will help guide public health decision-making,” ayon sa DOH.

Batay sa May 17, 2024 World Health Organization (WHO) COVID-19 Epidemiological Update, may tatlong bagong variants under monitoring (VUM) kabilang dito ang JN.1.18, KP.2, at KP.3, na pawang descendants ng JN.1. Ang variants na KP.2 at KP.3 ay tinaguriang “FLiRT” variants.

Tiniyak naman ng DOH na wala pang sapat na ebidensiya na magpapatunay na ang mga naturang variants ay nagdudulot ng severe to critical COVID-19, lokal man o internasyonal.

Payo pa ng DOH, mas mainam para sa mga taong may karamdaman na manatili na lamang sa kanilang tahanan o magsuot ng face mask kung hindi maiiwasang lumabas ng bahay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.