DOH: Pangalawang booster dose, hindi pa kailangan

0
329

Hindi pa dapat kumuha ng pang-apat na dosis ng bakuna sa COVID-19 o pangalawang booster shot ang mga Pilipino dahil hindi pa rin tiyak ang bisa at epekto nito, ayon sa isang eksperto sa  infectious disease noong Biyernes.

Sinabi ni Dr. Edsel Salvana, isang miyembro ng Department of Health-Technical Advisory Group (DOH-TAG), na pinag-aaralan pa rin ang pagbibigay ng pangalawang booster dose.

Sinabi niya na habang maaaring may mas mataas na proteksyon laban sa malubhang COVID-19 pangalawang booster dose, ito ay magiging kaunti lamang.

“While there might be some increased protection to infection, ‘yung increased protection from severe disease, medyo kaunti lang nadadagdag,” ayon sa kanya sa Laging Handa briefing.

Kung maaprubahan ang second booster dose ay maaaring para lamang sa mga health worker na mataas ang exposure sa COVID-19 gayundin sa mga nasa vulnerable na populasyon tulad ng mga senior citizen at mga taong may comorbidities.

Sinabi ni Salvana na mayroon ding mga pag-aaral ng mga bagong bakuna, mga next generation vccine at mga tweak o pinaghusay na bakuna, na mga reformulated shot na mas epektibo laban sa mga variant of concern.

Dahil dito, pinayuhan niya ang mga Pilipino na ipagpaliban ang pagkuha ng pangalawang booster shot dahil maaaring may lumabas pang mas magandang bakuna.

“Kung kaunti na lang ‘yung nadadagdag na protection plus the fact na kukuha ka ng bakuna, baka hindi na rin gano’n ka-epektibo ‘yung nadadagag versus having a 4th dose. And maybe later mas maganda pa ‘yung mga vaccines na lalabas.”

Ipinunto din niya na marami pang Pilipino ang hindi pa nakakatanggap ng una at pangalawang dosis ng bakuna kaya dapat itutok muna ang supply para sa kanila.

“Sa ngayon, ang recommendation natin is do not get a 4th dose, do not get a 2nd booster muna dahil hindi  pa tiyak ang efficacy nito versus ‘yung any possible side effects,” ang pagtatapos ni Salvana.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.