DOH sa Undas 2023: Maliliit na bata ipinapayong huwag isama sa sementeryo

0
165

Sa papalapit ng Undas, nananawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag nang dalhin ang mga maliliit na bata sa mga sementeryo upang makaiwas sa posibleng pagkahawa sa COVID-19 at iba pang sakit na maaaring makuha sa masisikip na lugar.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, “Pinapayuhan ko ang mga magulang at mga guardian na huwag nang dalhin ang mga maliliit na bata sa mga sementeryo na magiging siksikan, mainit, at posibleng biglang umulan, na maaring magdulot ng sakit sa mga bata.”

Bagamat may mga pagpapababa sa bilang ng kaso ng COVID-19, nananatili pa rin ang banta ng nasabing sakit. Ayon sa DOH, mayroon pa ring naitatalang mga biglaang pagtaas ng kaso sa ilang rehiyon. Mula Oktubre 16 hanggang 22, naitala ang 1,146 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ipinapaalala rin ng kalihim ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga pagkain na itinitinda sa loob at labas ng mga sementeryo, gaya ng mga mangga, sandwich, fruit juice, at iba pang street foods, upang maiwasan ang mga problema sa kalusugan.

Sa panahon ng Undas, ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng DOH, at ito’y hinihiling na maunawaan at sundin ng lahat para sa ligtas at magaan na paggunita ng mga yumaong mahal sa buhay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.