DOH: Walang lockdown sa pagdami ng influenza-like illnesses

0
284

MAYNILA — Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang planong ipatupad na lockdown sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illnesses (ILIs) sa bansa.

Kasunod ito ng mga kumalat na post sa social media na nagsasabing ilang lugar sa Luzon ang isasailalim umano sa lockdown dahil sa “outbreak” ng ILIs.

Tinawag ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang naturang mga ulat bilang “fake news.”
“Let me explain, the lockdown was done during COVID. There is no planned lockdown; that is fake news,” aniya.

Ayon kay Herbosa, walang flu outbreak sa bansa at ang mga sakit na kasalukuyang kumakalat ay karaniwang seasonal respiratory illnesses na madalas sa panahon ng tag-ulan. “What we have is the seasonal respiratory illnesses. It’s not a flu outbreak. We do not have a flu outbreak. It is our ILI season, marami siyang sakit like ubo, sipon, trangkaso and all other similar illnesses that spreads very fast during the rainy season,” paliwanag ng kalihim.

Dagdag pa ni Herbosa, inaasahan ng DOH ang pagtaas ng bilang ng ILIs tuwing “Ber months,” ngunit nilinaw niyang mas mababa pa rin ang bilang ngayong taon kumpara noong nakaraang taon. Mula Enero hanggang Setyembre, umabot sa 133,000 ang naitalang kaso, mas mababa kaysa sa 155,000 sa kaparehong panahon noong 2024.

“We know many people are getting sick. Magkaibang virus ‘yun. Wala tayong outbreak from a single virus, there is no need to declare a lockdown but there is a recommendation to start wearing your mask or staying at home when you are sick. That is our public health recommendation,” sabi pa ni Herbosa.

Tiniyak ng DOH na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon at nanawagan sa publiko na manatiling maingat, magsuot ng mask kung may sintomas, at manatili sa bahay kapag may sakit.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.