DOH, WHO: Resurge ng Covid-19 posible pagkatapos ng halalan

0
165

Sinuportahan ng tagapangulo ng Vaccine expert panel chairperson na si Dr. Nina Gloriani kahapon ang babala ng World Health Organization sa posibleng pagtaas ng Covid-19 sa bansa pagkatapos ng halalan sa Mayo 9.

Binalaan din ni Gloriani ang publiko tungkol sa pagsasagawa ng mass gatherings, lalo na sa nalalapit na Semana Santa.

“Ito po iyong mga pagkakataon na nagtitipon-tipon ang mga tao. May mga ilan diyan na baka may dala-dala ng virus, so hindi natin alam iyon. So, importante po na patuloy natin iyong ating mga pag-adhere sa mga practice ng minimum public health precautions,” ayon sa kanya sa isang virtual interview.

Nangangamba din ang mga health authorities sa nagaganap na pagbaba ng turnout sa pagbabakuna sa gitna ng panahon ng kampanya at halalan.

Dahil dito, ang iba pang paraan at estratehiya upang makapag-inoculate ng marami pa ay pinaplano, kabilang ang pagbabahay-bahay, habang ang pagbabakuna sa mga lugar ng trabaho, parmasya, klinika, at maging sa mga simbahan ay ipinatutupad.

Ang pinakahuling datos ay nagpakita na sa mahigit 66.2 milyong Pilipinong na fully vaccinated na ay 12.2 milyon lamang ang may booster dose.

Noong Abril 6, ang bansa ay mayroong 32,463 na aktibong kaso mula sa kabuuang 3.6 milyong nakumpirmang impeksyon.

Sinabi ni Gloriani na prayoridad ng gobyerno ang patuloy na paghikayat sa mga hindi pa nabakunahan na mag-avail ng mga bakuna sa gitna ng ‘election frenzy.’

“Well, of course, kapag isa lang ang dose, may kaunting proteksiyon. Kapag nakumpleto ninyo iyong pangalawa, mas mataas ang proteksiyon. After three months, at least, at puwede na kayo sa third dose, mas mataas pa iyong proteksiyon po at lalung-lalo na sa variants,” ayon sa kanya.

CROWD SUPPORT. Pinuno ng mga tao ang Earnshaw Street sa Sampaloc, Maynila sa proclamation rally ng kandidato sa pagka-alkalde na si Vice Mayor Honey Lacuna, noong Marso 27, 2022. Nangangamba ang mga eksperto na ang mga pagtitipong ganito dagdag pa ang tradisyunal na prusisyon sa Semana Santa at aktibong kampanyahan ay maaaring magresulta sa panibagong pagtaas ng kaso ng Covid-19 pagkatapos ng Mayo 9 na botohan. Photo credits: PNA/Avito Dalan
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.