MAYNILA. Kumpirmado mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na sisimulan na ngayong Mayo ang masusing pagrepaso sa umiiral na minimum wage rates sa ilang rehiyon ng bansa, kabilang na ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay DOLE-Bureau of Local Employment (BLE) head at Assistant Secretary Patrick P. Patriwirawan Jr., ang wage review ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa ika-123 anibersaryo ng Labor Day na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan ng gobyerno ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga manggagawa at ang magiging epekto ng umento sa sahod sa mga negosyo at ekonomiya.
“Bagama’t masarap pakinggan ang matatamis na pangako, dapat pa rin timbangin ang magiging epekto nito sa negosyo, trabaho at ekonomiya,” ayon sa Pangulo. “Kaya kailangang masusing pag-aralan ito.”
Ipinunto ni Patriwirawan na, “Mula po sa direktiba ng ating Pangulo, magsisimula po ang pagre-review ng mga minimum wage rates ngayon pong Mayo para sa ilang mga rehiyon.”
Dagdag pa niya, “Lalo na’t sa mga nakalipas na taon, lahat po ng mga regional offices natin, regional tripartite boards, nakapag-issue na po ng mga kaniya-kaniyang wage orders.”
Isa sa mga rehiyong apektado ng repaso ay ang National Capital Region (NCR). Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Sara Mirasol,
“60 days prior to the anniversary date ng effectivity ng wage order so the last week, mag-start na kami.”
Sinabi rin ni Mirasol na magsasagawa sila ng labor at employer consultations ngayong buwan ng Mayo, kasunod nito ang public hearing sa Hunyo. Inaasahang mailalabas ang resulta ng wage deliberations pagsapit ng Hulyo.
Matatandaang noong Hulyo 2024, naglabas ng bagong wage order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) kung saan itinaas sa ₱645 mula sa dating ₱610 ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector sa NCR, matapos ang ₱35 wage hike.
Habang patuloy ang konsultasyon, inaasahang mas magiging malinaw sa mga susunod na buwan kung magkakaroon ng dagdag sahod — at kung gaano kalaki ito, sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo