DOLE: Presyo ng pangunahing bilihin, posibleng tumaas

0
511

Nagbabala kahapon ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, kung matutuloy ang isinusulong na P100 legislated hike sa daily minimum wage.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, bagamat ang umento sa sahod ay makapagpapalakas ng ‘purchasing power’ ng mga manggagawa, maaari rin naman aniya itong magkaroon ng impact sa mga micro and small businesses. Paliwanag pa niya, karamihan sa mga negosyante sa bansa ay nasa ilalim ng maliliit na kategorya.

“Mayroon aniya sa mga ito ang maaaring kayanin ang wage hike, ngunit mayroon ding hindi ito kakayanin. Kapag merong pag-uusap tungkol sa pagtaas ng suweldo, medyo nakakaramdam na po tayo ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin,” babala pa niya sa panayam sa telebisyon.

Aniya pa, “Iyon pong may kinalaman sa transport. So para pong ano ‘yan chain reaction. Kaya ang lagi naman pong tinatanaw ng DOLE sana mabalanse.”

Kaugnay nito, sinabi ni Laguesma na naghahanap na sila ng mga posibleng interbensiyon upang matulungan ang mga micro and small businesses, sakaling madagdagan pa ng P100 ang minimum wage.

Nais aniya nilang matiyak na walang mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho, sa kabila ng financial impact ng posibleng wage hike sa kanilang mga employers.

Ani Laguesma, sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may mahigit sa apat na milyong minimum wage earners sa bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.