MAYNILA. Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na mayroong mga “ghost” flood control projects sa ilang bahagi ng Bulacan, kabilang ang Calumpit, Malolos, at Hagonoy.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, sinabi ni Bonoan na nakatanggap na rin sila ng impormasyon tungkol sa naturang anomalya at kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon. Maglalabas din umano ang ahensya ng financial at physical report kaugnay nito.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, isang kumpanyang tinatawag na Wawao Builders ang nasa likod ng ghost projects. Isa ito sa 15 kompanyang tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng malaking bahagi ng kontrata para sa flood control projects ng gobyerno.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Juan Miguel Zubiri na dapat ilantad ang mga mambabatas na nagsulong ng mga proyektong palpak. “Kaya for three years na wala yung legacy projects ng ating Pangulo… I think ‘wag na tayong mag santo-santo dito. Ilabas na natin yung listahan. Sino ba nag-amend nyan? Tapos depensahan ng Kongresman o Senador sa Luneta kung kaya nyang depensahan,” ani Zubiri.
Tinuligsa rin ni Sen. Erwin Tulfo ang umano’y malaking kickback at komisyon na nakukuha ng ilang tiwaling opisyal at kontratista. “P545.64 billion pesos of flood control. This is nothing less than a grand robbery of our nation. Sa salitang kalye, ‘pagnanakaw to the max’,” aniya.
Dagdag pa ni Tulfo, bago pa man simulan ang proyekto ay hinihingan na ng ilang politiko ng 20 hanggang 25 porsiyentong komisyon ang mga kontratista, dahilan para maging substandard o hindi maisakatuparan ang ilang flood control projects.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






