MAYNILA. Inimbitahan ng Kamara ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at 15 kontraktor na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umano’y kumopo ng 20 porsyento ng 10,000 flood control projects simula 2022, para sa pagdinig sa Martes, Setyembre 2.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, pinadalhan na rin ng subpoena ang SYMS Construction Trading, ang kumpanyang sinasabing sangkot sa mga “ghost” flood projects sa Baliwag, Bulacan.
“Sa Tuesday ang pagsalang ng Kamara sa imbestigasyon sa flood control projects. Bukod sa DPWH, inimbitahan din ang mga kontratista na involved, ‘yong 15 contractors na binanggit ng Pangulo at ang SYMS Construction Trading, ‘yong tinuturong sangkot dito sa ghost projects sa Baliwag, Bulacan,” pahayag ni Ridon.
Dagdag pa ng mambabatas, dapat ding humarap sa imbestigasyon ang Government Procurement Policy Board (GPPB) at ang Philippine Contractors Accreditation Board upang ipaliwanag ang umano’y accreditation-for-sale at ang proseso ng procurement. Inaasahan ring dadalo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Commission on Audit (COA).
Kasama rin sa sisilipin ang alokasyon ng pondo sa mga proyektong natapos na ngunit nakapaloob pa rin sa P6.793 trilyong panukalang 2026 national budget, kabilang ang flood control program sa Marikina City.
Noong Biyernes, ibinunyag ni Deputy Speaker Rep. Ronaldo Puno na may mga proyektong matagal nang natapos ngunit patuloy pa ring pinopondohan sa ilalim ng panukalang pondo para sa DPWH, bagay na tinawag niyang nakakagulat.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






