MAYNILA – Nagsauli ng P40 milyon sa Department of Justice nitong Martes ang DPWH Regional Director na si Gerard Opulencia, halagan g sinasabing bahagi ng kickbacks na natanggap niya kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay DOJ Acting Secretary Fredderick A. Vida, ang pagbabalik ng pera ay bahagi ng mga kondisyong itinakda para sa provisional admission ni Opulencia bilang state witness sa imbestigasyon ng DOJ.
Iniharap ni Vida sa media noong Disyembre 16 ang P40 milyon na personal na dinala ni Opulencia, na dating DPWH National Capital Region director at kasalukuyang nasa floating status.
“Ito ay commitment na magsauli ng P150 milyon,” pahayag ni Vida, at ang P40 milyon ay paunang bayad mula sa kasunduang nilagdaan ni Opulencia at ng DOJ.
Sinabi rin ni Vida na provisionally admitted na si Opulencia sa Witness Protection Program.
Ayon naman kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, isa si Opulencia sa mga respondent sa mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents, na dumaan na sa preliminary investigation ng DOJ, kaugnay ng mga ghost projects na kinontrata ng Syms Construction sa mga bayan ng Balagtas at Pandi sa Bulacan.
Idinagdag ni Fadullon na kabilang sa limang kinasuhan sina dating senador Bong Revilla at dating congressman Zaldy Co bilang mga respondent.
Paliwanag ni Vida, mahalaga ang magiging testimonya ni Opulencia upang mailahad ang aktwal na naganap sa mga proyekto sa Bulacan.
Nilinaw ng DOJ na hindi tumanggap ng pera si Opulencia mula sa mga proyekto sa Bulacan, at ang isinauling P40 milyon ay halagang natanggap niya noong siya ay director pa ng NCR.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






