DPWH engineer, arestado matapos tangkang suhulan si Rep. Leviste ng P3.1 milyon

0
392

BATANGAS CITY. Arestado ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos umanong mag-alok ng suhol na higit P3 milyon kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste upang hindi ituloy ng kongresista ang pagsisiyasat sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng ahensya.

Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), kinilala ang suspek bilang si “Abe,” district engineer sa Balayan, Batangas. Nahuli siya sa isang special operation sa Barangay Poblacion Zone, Taal, Batangas bandang 7:45 ng gabi noong Biyernes.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong 4:30 ng hapon nang mag-alok umano ang suspek kay Rep. Leviste ng halagang P3,126,900.

“According to Congressman Leviste, the bribe was extended in an attempt to dissuade him from initiating an investigation into alleged anomalies involving DPWH projects within the 1st District of Batangas,” ayon sa ulat ng pulisya.

Dahil sa agarang ulat ng mambabatas, naaresto ang suspek at narekober ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pera bilang ebidensya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taal Municipal Police Station ang suspek para sa booking at tamang disposisyon. Isinailalim din siya sa physical at medical examination sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery.

Nahaharap ang inhinyero sa kasong corruption of public officials alinsunod sa Revised Penal Code at sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isasampa sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office.

Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na kung mapatutunayang totoo ang akusasyon laban sa nasabing district engineer, tama lamang ang pagkakaaresto rito.

“Dapat lang mangyari ‘yan sa mga district engineer sa ganyang asal. Talagang I will not have second thought actually na dapat they deserve it actually ng mga ganyang nangyayari,” pahayag ni Bonoan sa isang panayam.

Dagdag pa niya, hindi na niya kailangang bisitahin ang suspek. “Kung siya ang may pakana ng mga ganyan, wala na. Talagang ganu’n na ’yan. Hindi na kailangan bisitahin ’yan,” aniya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.