MAYNILA — Inaresto ng mga awtoridad sa Quezon City noong Linggo si Dennis Abagon, engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA, kaugnay ng anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro.
Kasama si Abagon sa mga personalidad na may warrant of arrest ng Sandiganbayan dahil sa reklamo ng malversation of public funds. Siya ay officer-in-charge ng iba’t ibang dibisyon sa DPWH-MIMAROPA.
Dalawang araw na nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad bago nahuli si Abagon, kasama ang dalawa pang tao na inaresto dahil umano sa pagharang sa hustisya. Narekober din ng National Bureau of Investigation ang ilang mobile phone at isang SIM card, na posibleng ginamit bilang “burner phone” at “burner SIM” para makipag-usap habang itinatago ang kanilang lokasyon. Narekober din ang ilan sa mga damit at gamot ng engineer.
Sinabi ni Abagon na plano niyang sumuko matapos ang payo ng kanyang abogado. “Wala naman akong ginawang masama. Ginawa ko lang ‘yung trabaho ko. Wala akong kinita,” ani Abagon, na nagtrabaho sa DPWH ng 33 taon. Idinagdag niya, “Sana tulungan niyo rin kami na hindi lang biased sa amin. ‘Yung fair na pagtingin sa tao kasi nagtatrabaho lang din kami,” at mariing itinanggi ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Noong nakaraang Miyerkules, inilabas ng Sandiganbayan ang mga kasong isinampa laban kay dating Ako Bicol Party-list representative Zaldy Co, DPWH-MIMAROPA officials, at Sunwest Corporation directors kaugnay ng P289-million road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro. Ang proyektong ito ay pinondohan sa ilalim ng 2024 national budget ng DPWH at itinayo sa tabi ng Mag-Asawang Tubig River, ngunit tinukoy ng mga tagausig bilang substandard at “non-existent.” Nabigo rin ang DPWH Secretary Vince Dizon na mahanap ang proyekto at dalawa pang flood control projects noong bisita niya sa Oriental Mindoro noong Setyembre.
Sa kabuuang imbestigasyon, pito sa labing-anim na indibidwal na may warrant of arrest, kabilang si Abagon at dating representative Zaldy Co, ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad. Anim ang boluntaryong sumuko sa CIDG, habang dalawa pa ang nakikipag-ugnayan sa PNP–CIDG upang sumuko.
Sa isang video statement, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mananagot ang sinumang magtatago o tutulong sa pagtatago ng mga may warrant. Hinikayat din niya ang natitirang mga akusado na sumuko at harapin ang mga kaso. “Wala pong espesyal na pagtrato. Mananatili sila sa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang utos ng korte,” ani Marcos.
Pinayuhan ng Pangulo ang natitirang mga akusado: “Sumuko na kayo. Huwag na ninyong hintaying habulin pa kayo. Mas magiging maayos ang inyong sitwasyon kung haharapin ninyo ang kaso.” Tiniyak niya na tuloy-tuloy ang proseso at hindi titigil ang gobyerno sa imbestigasyon.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






