DPWH sinuspinde lahat ng bidding, 9 na kumpanya ni Discaya binawi ang lisensiya

0
520

MAYNILA. Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagsuspinde sa lahat ng bidding para sa mga locally funded projects ng ahensya, kasunod ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood-control projects sa bansa.

“I will order today a pause to all bidding of locally funded projects nationwide,” ayon kay Dizon.

Saklaw ng suspensiyon ang lahat ng bidding process sa national, regional at district offices ng DPWH. Layunin nito na bigyang panahon ang ahensya upang repasuhin ang mga kasalukuyang proyekto at magsagawa ng paglilinis, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Use his own words, he (Marcos) doesn’t want the people’s money and projects to be thrown into the river again,” dagdag pa ng kalihim.

Binigyan ng dalawang linggo ni Dizon ang ahensya upang makapaglagay ng safeguards sa proseso ng bidding. Tiniyak din niya na hindi maaapektuhan ang mga foreign-assisted projects na kasalukuyang isinasagawa.

Samantala, binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensiya ng siyam na construction companies na pag-aari ni Sarah Discaya.

Batay sa Board Resolution No. 075, sinabi ng PCAB na ang mga naging pahayag ni Discaya sa Senado ay nagdulot ng pangamba hinggil sa posibleng sabwatan at manipulasyon sa public bidding ng government projects, na sumisira sa transparency, pagiging patas at patas na kompetisyon, at lumalabag sa licensing at procurement laws.

“After thorough evaluation of the statements made by Ms. Discaya, the PCAB Board concludes that the continued accreditation of these corporations is inimical to public interest, industry integrity and government procurement transparency,” ayon sa PCAB.

Kabilang sa mga kumpanyang binawian ng lisensiya ang St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corporation, St. Timothy Construction Corporation, Amethyst Horizon Builders And Gen. Contractor & Dev’t Corp., St. Matthew General Contractor & Development Corporation, Great Pacific Builders And General Contractor, Inc., YPR General Contractor And Construction Supply, Inc., Waymaker OPC, at Elite General Contractor And Development Corp.

Matatandaang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni Discaya na siya ang may-ari ng lahat ng nasabing kumpanya na sumali sa bidding para sa government projects.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.