SAN PABLO CITY, Laguna. Binigyang diin ni Dr. James Lee Ho, ang City Health Officer ng lungsod na ito, ang kahalagahan ng bivalent vaccine sa paglaban sa mga panganib ng mga subvariant ng Omicron na maaaring makuha ng komunidad sa isang forum na ginanap sa Liga ng mga Barangay Office sa lungsod na ito kamakailan.
Ang forum na dinaluhan ng mga health workers, kinatawan ng mga pribadong ospital at mga hepe ng kaukulang local department units ay pinulong ni Dr. Lee Ho matapos ipahayag ng Department of Health (DOH) na dumating na ang 390,000 doses ng bivalent vaccine na donasyon ng Lithuania.
Ayon sa kanya, bago kumuha ng bivalent vaccine ay kailangang nakakuha na ng dalawang primary shots at dalawang booster shots upang masiguro ang epektibong proteksyon.
Ayon kay Dr. Ho, ang dalawang primary shots ang magbibigay ng pangunahing proteksyon laban sa mga sakit na ito. Kasunod nito, ang dalawang booster shots ay kailangang gawin upang mapalakas ang immunity at masiguro ang pangmatagalang proteksyon. Samantalang ang bivalent vaccine ay panlaban sa omicron variant BA.4 at BA.5.
Hahatiin sa health workers at senior citizens ang paunang batch ng bivalent vaccines na ipapadala ng DOH sa San Pablo City, ayon kay Dr. Lee Ho.
“Mahalaga ang pagkakaroon ng kumpletong dalawang primary shots at dalawang booster shots para sa bivalent vaccine. Sa pamamagitan nito, malaki ang posibilidad na maiwasan ang omicron variant BA. 4 and BA. 5 lineages,” ayon sa paliwanag ni Dr. Lee Ho.
Sa kasalukuyan, pinapaalalahanan niya ang lahat ng mga residente na dapat sumailalim sa tamang proseso ng pagbabakuna, na kinabibilangan ng dalawang primary shots at dalawang booster shots, upang magkaroon ng buong proteksyon laban sa mga sakit na target ng bivalent vaccine.
Hinikayat niya ang mga residente ng lungsod na makiisa sa kampanya ng pagbabakuna at kumpletuhin ang kanilang apat na bakuna upang makakuha ng bivalent vaccine.
Ayon aniya sa mga eksperto, ang bivalent vaccine ay kumikilos sa pamamagitan ng pagpapalakas ng immune system ng tao upang labanan ang mga sakit na ito. Ang pagkakaroon ng kumpletong dosis ng bakuna ay mahalaga upang masiguro ang matatag na proteksyon at maiwasan ang pagkakasakit.
Ang mga residente ay maaaring kumuha ng primary at booster dose sa SM San Pablo tuwing Martes at Biyernes mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, ayon sa city health officer.
Sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos at pagtutulungan, maipagtatanggol natin ang ating mga sarili at ang ating komunidad laban sa mga sakit. Patuloy nating suportahan ang mga inisyatibo ng Department of Health ng lokal na City Health Office upang matiyak ang kalusugan at kapakanan ng bawat isa. Hangad nating magpatuloy ang maayos na pag-unlad ng ating komunidad sa pamamagitan ng agarang pagbabakuna at pag-iingat sa ating mga sarili,” ang pagtatapos ni Dr. Lee Ho.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.