Drug dealer nasakote, mahigit sa P.8 milyong halaga ng shabu nasamsam

0
157

ANTIPOLO CITY, Rizal. Naaresto ng mga  anti-narcotic operatives ang isang dealer ng droga at nakumpiska ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P862,500 matapos ang maikling habulan na nauwi sa isang engkuwentro sa Rizal Provincial Capitol sa Brgy. San Roque, sa bayang ito, noong Lunes ng hapon.

Ayon sa ulat ng Rizal Provincial Police Office, nagsimula ang kanilang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang informant na nagturo kay “Rex” bilang pangunahing suspek sa ilegal na kalakalan ng droga sa Kay-Tikling Road sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Isang undercover na pulis ang nagtangkang bumili ng shabu kay alyas Rex.

Ayon kay Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, direktor ng pulisya sa Police Regional Office-Calabarzon, nagtangakang tumakas si Rex gamit ang isang pulang Suzuki Dzire Sedan, na nagresulta sa isang engkuwentro at sa pagbaril sa kanyang sasakyan. Hindi inaasahan, nasugatan ang isang bystander.

Si Rex ay na-aresto ng mga pulis sa bukas na parking area ng Rizal Provincial Capitol.

Ang bystander na nadamay ay agad isinugod sa ospital at pinauwi na din matapos magamot at mapag alamang nasa mabuti ng kalagayan.

Nakuha sa suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 125 gramo at may halagang P862,500, kasama ng isang pula na Suzuki Dzire Sedan at drug bust money.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.